48

Oct 18, 2017 @ 16:47

Pinsan ni Isnilon Hapilon sumuko sa militar

Sumuko sa militar ang tatlong miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) kabilang ang pinsan ni ASG leader at ISIS Emir Southeast Asia Isnilon Hapilon sa Barangay Macalang Al-barka, Basilan kahapon.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Task Force Basilan Commander Col. Juvymax Uy, alas-kuwatro ng hapon nang sumuko ang mga ito sa tropa ng 74th Infantry Battalion ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army.

Kinilala ang sumukong pinsan ni Hapilon na si Ben Salina Sapilin, alyas Ben, habang ang dalawa pang kasama nito’y kinilalang sina Rami Ben Sapilin, alyas Attik, at Muhamad Endeng, alyas Abu Rayhad.

Isinuko rin ng mga ito ang kanilang isang M16 rifle, isang M79 grenade launcher at isang Cal. 30 M1 garand.

Hinikayat naman ni Col. Uy ang mga natitirang miyembro ng ASG na magbalik-loob na sa pamahalaan at makiisa sa paghahangad ng matagalang pangkapayapaan. (Red Fortaleza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?