832

Dec 25, 2019 @ 10:17
By

Pinsan ni Andal Ampatuan Sr. tinambangan, police escort patay

Pauwi na si Shariff Aguak, Maguindanao Vice Mayor Akmad Ampatuan mula sa town hall kasama ang kanyang misis ng biglang sumulpot ang isang motorsiklo at pinaputukan ng mga sakay nito ang kanilang sinasakyang Innova, bandang ala-1 ng hapon nitong Martes, Disyembre 24.

Ayon kay Shariff Aguak police desk officer Technical Sgt. Omar Dirangaren, pinagbabaril ng hindi pa nakikilalang mga suspek ang kotse ni Akmad, na tumayong state witness sa malagim na 2009 Maguindanao massacre, sa highway sa Barangay Poblacion.

Kaagad na dinala si Akmad at kanyang police escort sa malapit na ospital para malapatan ng paunang lunas, ligtas si Ampatuan at asawa nito ngunit nasawi naman ang kasamang pulis nito.

Ito na ang ikalawang pag-ambush kay Akmad, at ayon sa post ng family counsel nito na si Hadji Oping Ampatuan ay natamaan muli ito sa kanang braso kung saan napuruhan din noong unang ambush.

Si Akmad ay pinsan ng yumaong dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr, na isa sa pangunahing suspek sa Maguindanao massacre.

Tumayo rin itong state witness sa nasabing krimen at kumampi pa kay Maguindanao 2nd District Rep. Esmael ‘Toto’ Mangudadatu sa nagdaang eleksyon.

“They obviously want (Akmad) dead because he is one of the main witnesses in the second wave of the Ampatuan Massacre case,” saad sa Facebook post ni Hadji Oping.
“There are still about 50 personalities who were allegedly involved in the massacre but escaped indictment for various reasons, such as lack of witnesses, power, influence and money. May the assailants and the mastermind of this dastardly act be unmasked and be brought to the bars of justice,” aniya pa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?