202

Dec 6, 2019 @ 15:34
By

Pinsala ni ‘Tisoy’ sa agrikultura higit P2B na – NDRRMC

Mahigit sa P2 bilyon ang iniwang pinsala ng pananalasa ng bagyong Tisoy sa agrikultura, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Base sa ulat ng NDRRMC, umabot sa kabuuang P2,096,564,965.50 ang pinsala sa agrikultura partikular sa Region 5 at Region 8 dahil sa pagbayo ni “Tisoy”.

Umaabot din sa 108,285 na pamilya o tinatayang 470,140 katao mula sa 1,237 barangay sa Regions 3, 5 at 8 ang naapektuhan ng nasabing bagyo.

Samantala, magbibigay naman ng financial assistance ang Office of Civil Defense, Department of Social Welfare and Development at iba pang ahensya ng gobyerno na aabot sa P6,112,550.36 para sa mga naapektuhan ng bagyong Tisoy.

Base sa talaan ng NDRRMC, umabot sa 12 ang nasawi kay “Tisoy”, 54 ang sugatan sa Region 5, 8, Calabarzon at Mimaropa.

Aabot din sa 2,193 ang napinsalang eskuwelahan sa Cordillera Autonomous Region, Caraga, Mimaropa, Calabarzon, Regions 1, 3, 6, at 8.

Mayroon pang dalawang tulay ang hindi pa madaanan ng mga sasakyan hanggang sa ngayon.

Base naman sa ulat ng Albay Power Corporation, posibleng bago pa mag-Pasko mapailawan ang mga bayan at lungsod sa lalawigan ng Albay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?