By

Pinoy workers makikinabang sa free trade agreement

Sharing is caring!

Makikinabang din maging ang mga karaniwang manggagawa sa mga kasunduan at polisiya na ilalatag sa mga pagpupulong na gagawin kaugnay ng ASEAN Summit.

Ayon kay Astro del Castillo, investment analyst, kapag nalagdaan ang karagdagang mga free trade agreement sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN at mga bansang dialogue partner nito, mangangahulugan ito ng mas mahusay na market access para sa mga Pilipinong exporter.

Maging sa aspeto ng pamumuhunan, inaasahang mapaghuhusay din ng ASEAN Summit ang posibilidad ng karagdagang mga investment sa bansa.

Kapag napaghusay ang market access para sa export industry at nagkaroon ng karagdagang mga investment sa Pilipinas sa pamamagitan ng mga kasunduan sa ASEAN, mangangahulugan ito ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.

Kaugnay naman sa short term na epekto ng pagdaraos ng ASEAN Summit sa bansa, nakatulong din ito sa paglikha ng karagdagang mga trabaho dahil kinakailangan ng karagdagang mga labor force para punan ang pangangailangan sa preparasyon ng mga pagpupulong.

Direkta rin umanong magbebenepisyo ang mga migrant workers dahil sa lalagdaang ASEAN Consensus on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers.

Ang nasabing consensus ang itinuturing na centerpiece o sentro ng Chairman ng Pilipinas ng ASEAN.

Nabatid na sa Pilipinas din nalagdaan ang ASEAN Declaration on the Protection and Promotion of the Rights of Migrant Workers nang idaos sa Cebu noong 2007 ang ASEAN Summit.

Ang lalagdaang consensus sa ASEAN Summit ngayon ay maglalaman ng panuntunan para sa pagpapatupad ng naunang deklarasyon na nilagdaan para sa mga migrant workers noong 2007.

Kabilang na rito ang paggagawad ng proteksyon sa mga migrant workers na gagawing kapantay sa iginagawad na proteksyon sa sariling mamamayan ng mga ASEAN Countries pagdating sa aspeto ng labor contracts at labor standards.

Ayon kay Castillo, mahalaga ang consensus na lalagdaan para sa Pilipinas dahil mayroong halos dalawang milyong Pilipino na nagtatrabaho sa ibang bansa. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?