21

Jul 16, 2021 @ 13:46
By

Pinoy tinodas ng COVID sa Thailand, mga OFW kabado

Isang Pilipino ang nasawi dahil sa bagsik ng COVID-19 sa bansang Thailand.

Ito ang malungkot na ibinalita ni Philippine Ambassador to Thailand, Ambassador Millicent Cruz-Paredes sa Laging Handa press briefing kasunod ng muling pagtaas ng kaso ng COVID sa nabanggit na bansa.

Ayon sa Ambassador, namatay ang hindi pinangalanang OFW nito lamang buwan ng Hulyo at nakikipagtulungan na sila sa pamilya ng biktima para sa mga posibleng tulong na kailanganin.

Todo-ingat aniya ang mga Filipino community sa Thailand para hindi mahagip ng COVID-19 at hindi maiwasang mabahala dahil sa tumataas na naman na kaso ng COVID.

“Ang Filipino communities dito sa Thailand ay nag-iingat at siyempre nababahala dahil sa mga tumataas na kaso ng COVID dito sa bansang Thailand. Kaya po kami ay nakikipagtulungan sa Filipino community organization para kung may pangangailangan sila ay handa po kaming tumulong,” ani Ambassador Paredes.

Mayroong kabuuang 30 libong Pilipino sa Thailand, 30 ang nagkasakit ng COVID, dalawa ag aktibong kaso, 27 ang gumaling at isa ang namatay ngayong Hulyo.

Sinabi ni Ambassador Paredes na nasa third wave na ang COVID-19 sa Thailand na pinaniniwalaang nagmula sa Delta variant.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?