229
sex
Oct 20, 2017 @ 14:52

Pinoy sa UAE, binalaan sa ‘sexcapade’

Ipinaalala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pinoy ang mahigpit na batas ukol sa pakikipagtalik sa United Arab Emirates (UAE).

Sa babala ng POEA, ipinagdiinan na ang Sharia Law ang sinusunod sa UAE at sa kanilang batas, ang pakikipagtalik sa kapwa, maliban sa mag-asawa, ay iligal at ang mga mahuhuli ay maaaring makulong ng hanggang anim na buwan.

Base sa ulat ng Philippine Consulate sa Dubai, maraming ‘expat couples’, kabilang na ang ilang Filipino, ang nakakulong ngayon dahil sa paglabag sa naturang batas.

Bukod dito, nakakatanggap ang konsulado ng mga request for repatriation mula sa mga Filipino sa Dubai at Northern Emirates na nagka-anak nang hindi kasal sa pag-aakalang makakaiwas sila sa pagkakakulong.

Nabatid na maraming kaso ng pagbubuntis nang walang kasal ay naiulat sa UAE at ang mga lumalabag ay maaaring mapalayas ng bansa at patawan ng lifetime ban.

Paglilinaw din ng Department of Foreign Affairs, ang kanilang legal assistance fund ay para lang sa mga Filipino na nahaharap sa mabibigat na mga kaso na may katapat na parusang kamatayan at habambuhay na pagkakakulong at hindi kasama dito ang mga kaso na nag-ugat sa imoralidad base sa Sharia Law. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?