13

Oct 1, 2020 @ 19:20
By

Pinoy nurse in demand pa rin abroad – Bello

Mabenta pa rin ang mga Filipino nurse sa ibang bansa sa kabila ng pansamantalang pagpapatigil ng pagpapadala ng mga medical worker doon, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello.

Sa budget hearing ng panukalang 2021 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi ni Bello na maraming bansa ang tumatawag sa kanya para payagan nang makaalis ang mga Pilipinong nurse.

“They’ve [countries] been contacting me through their embassies na kung maaari we will allow our nurses to go,” sabi ni Bello sa Senado.

Nauna nang sinuspinde ng gobyerno ang pagpapadala ng mga doktor, nurse at iba pang healthcare workers sa ibang bansa para mapreserba ang resources ng bansa sa laban sa coronavirus pandemic.

Subalit dahil sa rekomendasyon ng DOLE, ang mga nurse at iba pang medical worker na may kumpletong dokumento nitong Agosto 21, 2021 ay pinayagan nang makaalis ng bansa.

Iginiit naman ni Senador Joel Villanueva, na nanawagan ang mga Pinoy nurse ng ‘total lifting’ ng deployment ban.

Dinepensahan naman ni Bello ang desisyon ng gobyerno sa naturang hakbang.

“Ang problema natin kasi most of those being deployed ‘yung mga tinatanggap ng mga receiving countries ay ito ‘yung skilled and experienced nurses,” sabi ni Bello.

“Kapag hindi ka nagkaroon ng experience of at least two years, ‘di ka tatanggapin,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?