843

May 5, 2020 @ 10:54
By

Pinoy nag-dirty finger, sinunog ang watawat ng China

Binuhay muli ng mga netizen ang larawan ng isang Pilipino na naka-dirty finger sa harap ng Chinese Embassy sa Maynila, habang sinusunog ang bandila ng China.

Nakasuot din ito ng t-shirt na may malaking larawan ng middle finger at katagang “Hey China”. Nakatindig ang lalaki sa tutungan na may nakasulat na “Philippines Not For Sale!”

Ginawa ito ni radio commentator Waldy Carbonell noong Hulyo 1, 2019 bilang pagkundena sa “bullying” at “dahan-dahang pananakop” ng China sa Pilipinas.

Aksiyon niya rin ito, matapos iwan ng mga Tsino ang 22 mangingisdang Pinoy na lumubog ang bangka matapos mabangga ng Chinese fishing vessel sa West Philippine Sea noong Hunyo 9, 2019.

Sa Reddit thread na “Filipino giving the finger to the Chinese embassy while burning their flag,” Mayo 4, 2020, binidang muli ang nasabing larawan ni Carbonell.

Umugong ang disgusto ng maraming Pinoy netizen sa China habang may COVID-19 pandemic, kung kailan naglabas ang China ng kantang ‘Iisang Dagat’ na anila’y propaganda para maipakita ng China ang paghahari sa West Philippine Sea, tinutukan ng baril ng isang Chinese ship ang Philippine Navy, at nagtatag ng distrito ang Beijing sa pinag-aagawang isla sa WPS.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?