22

Jan 14, 2022 @ 15:45
By

Pinoy na nasa mga ‘red list’ country puwede na pumasok sa bansa

Makakauwi na sa Pilipinas ang mga Pilipinong nasa red list countries nang hindi na kailangang dumaan sa bayanihan repatriation.

Ito ang inanunsiyo ni acting Presidential Spokesman Karlo Nograles batay sa naging desisyon ng Inter-Agency Task Force.

Ayon kay Nograles, nagpasya na ang IATF na payagang makauwi ang mga Pilipino mula sa red list countries basta sumunod lamang sa itinakdang protocols.

“Pinapayagan na ang inbound international travel of all persons coming from or who have been to red countries, jurisdictions and territories within the last 14 days prior to arrival to any port of the Philippines shall now be allowed,” ani Nograles.

Hindi na aniya kinakailangang maghintay ng bayanihan flights ang mga Pinoy na sa red list countries basta nakatugon at nakasunod sa mga pamantayan para makapasok sa bansa.

“Napagdesisyunan na kahit sa red list countries na mga Filipinos, we will now allow them to come in as long as they comply with the red list protocols. Hindi na kailangang maghintay ng bayanihan flights ang ating mga kababayan mula sa red countries,” dagdag ni Nograles.

Inilatag ng kalihim ang protocols para sa mga fully vaccinated na mga pasahero mula sa red list countries at kailangan aniyang mahigpit na sundin ang mga ito.

“Para sa fully vaccinated coming from the red list countries, kailangan nilang magpakita ng negative RT-PCR test result taken within 48 hours prior to departure from country of origin.Pagdating ng Pilipinas kailangan nilang mag-facility based quarantine with an RT-PCR test taken on the 7th day with date of arrival being the first date,” wika ni Nograles.

Kapag nag-negatibo sa RT-PCR test, sinabi ng kalihim na maaaring makalabas na ang mga ito sa facility quarantine subalit kailangang kumpletuhin ang home quarantine hanggang sa ika-14 na araw.

Para naman hindi bakunadong pasahero, o kaya ay partially vaccinated kailangang magpresenta ng negatibong RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 araw bago ito umalis mula sa bansang pinanggalingan at pagdating sa Pilipinas ay kailangang mag-quarantine at mag-PCR Test sa ika-pitong araw.

Makakalabas lamang sa quarantine facility sa sandaling makumpleto ang 10 araw at ano man ang resulta ng PCR test.

Kabilang sa mga bansang nasa red list countries ay ang Antigua and Barbuda, Aruba, Canada, Curacao, Iceland, Malta, Mozambique, Puerto Rico,Saudi Arabia, Somalia, Spain at US Virgin Islands.

Magiging epektibo ang resolusyon ng IATF simula January 16-31, 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?