75

By

Pinoy fishermen sa Scarborough Shoal, biktima ng admin trolls – LP

Sharing is caring!

Inakusahan ng Liberal Party (LP) ang Duterte administration ng pagtatakip sa pagnanakaw umano ng Chinese Coast Guard sa mga Filipinong mangingisda.

Sinabi ni Erin Tañada, vice president for external affairs ng LP, malamya na nga ang tugon ng gobyerno sa panggigitgit at pag-abuso ng China sa West Philippine Sea at Scarborough Shoal, ang mga mangingisda pa na biktima ang binabaligtad.

Hinihinala nito na nagbabayad ang administrasyon ng mga troll sa internet para batikusin ang mga mangingisda sa Zambales na nakunan ng video na binuska ng coast guard personnel ng China.

Inakyat ang kanilang bangka habang nasa may bahagi ng Scarborough Shoal at kinuha ang kanilang mga isda.

“Sa halip na gumawa ng paraan para maprotektahan ang ating mga mangingisda, matamlay na naman ang posisyon ng administrasyong Duterte ukol sa panggigipit at pagnanakaw ng Chinese Coast Guard,” ayon kay Tañada.

“Ang malala pa rito, tila ginagamit ang makinarya ng gobyerno sa mga bayarang internet troll laban sa mga kaawa-awang mangingisda ng Zambales, na nagdaan sa isang nakapanlulumong karanasan,” dagdag nito.

Una rito, kumalat sa social media ang mga komentaryo laban sa mga mangingisda na inakusahang bayaran para mag-imbento ng eksena sa karagatan ng Zambales at siraan ang administrasyon.

“Para tawaging sinungaling at bayarang troll ang mga mangingisdang ito ay isang bagay na hindi makatuwiran. Isang kahig, isang tuka lamang ang pamumuhay ng mga mangingisda sa ating bansa na halos ‘di makatanggap ng tulong mula sa gobyerno,” sabi ni Tañada.

“Inabuso na nga ng mga Tsino sa karagatan, iniwang walang huli, at ngayon binabanatan ng sariling makinaryang pang-propaganda ng pamahalaan, wala nang aasahan pa ang mga mangingisdang Filipino mula sa administrasyong salat sa kagandahang-asal, na pinamumunuan ng Presidente at ng kanyang tagapagsalita na si Harry Roque na kapwa panatiko ng China,” banat pa ni Tañada.

Ayon sa dating kongresista, dapat ipaglaban ng Duterte administration ang mga mangingisda at ang teritoryo ng bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?