332
Pinoy boxer Renerio Arizala agaw-buhay tapos ng laban
Apr 5, 2019 @ 19:23
By ,

Pinoy boxer Renerio Arizala agaw-buhay tapos ng laban

Kapalit ng kahit maliit na premyo, handang isugal ng ilang Pinoy boxer pati sariling buhay.

Ganito ang sinapit ni Pinoy featherweight fighter Renerio Arizala, na kamakailan lang ay nag-collapse sa ikaanim na round kontra Tsuyoshi Temada nitong weekend sa Yokohama, Japan.

Matapos mag-collapse ay agarang isinugod sa Yokohama Minato Red Cross Hospital nitong Linggo ang boksingero at kasalukuyan pa ring naka-confine sa ICU ng ospital ang 24-anyos na si Arizala.

“Alam niya, alam naming mga boxer kung ano ang pwedeng mangyari pero ‘yan ang pinasok namin kaya’t tanggap namin ‘yan,” wika ng agent ni Arizala na si Art Monis.

Kung nanalo sana si Arizala ay makakapag-uwi ito ng $1,500 (P78,000), maliit na halaga pero para malaki kumpara sa P3,000 lang kung sa Pilipinas siya lalaban.

Sinabi rin ni Monis na tinanggap ni Arizala ang laban sa Japan para makabiyahe at makapag-uwi ng matinong halaga.

“Chance din kasi ng mga boxer na makabiyahe at kumita ng mas maganda,” dagdag ni Monis.

Ayon kay Games and Amusements Board chairman Baham Mitra, nagising na nitong Miyerkoles mula sa pagka-coma si Arizala at magiging mas mahigpit aniya sila sa pag-aapruba ng mga foreign fight.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?