92

Jan 26, 2020 @ 12:33
By

Pingris may bagong project sa Hotshots

May bagong project si Marc Pingris sa Magnolia, ang bagong saltang si Jackson Corpuz.

Hindi kinaila ni Corpuz na pina-pattern niya ang laro sa veteran defensive man ng Hotshots.

Tatak ng laro ni Ping ang pagiging banger kaya nasama sa Gilas at tumagal sa Magnolia.

Sa taas na 6-foot-4, gustong mas maging epektibo ni Corpuz sa pagprotekta sa basket at sa paghabol sa mga talsik na bola, sa pakikipaggitgitan sa mga kalaban para mahawan ang harang ng mga kakampi.

Pagdating ng Magnolia mula Columbian Dyip kapalit ni Aldrech Ramos noong December, si Ping agad ang hinanap ni Corpuz.

Malaking bagay aniya ang mga napupulot niyang aral kay Pingris.

“Pagpasok ko pa lang, si Kuya Ping ang tinitingala ko dahil ‘yung hustle sa kanya ko nakikita,” aniya.

Undrafted si Corpuz mula PCU noong 2014, nagtiyaga sa D-League hanggang mapansin at pasakayin ng Dyip noong 2017. Dito lumabas ang kanyang defensive mindset.

Pagdating sa Magnolia, lalo pa siyang sinipag.

“Paggising ko sa umaga, nae-excite ako lagi,” bunyag niya. “Dahil may bago akong matututunan kina coach Chito (Victolero), coach Johnny (Abarrientos) at Kuya Ping.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?