165

Mar 24, 2018 @ 19:50
By

Pingris, ‘lucky charm’ ng Hotshots sa 1st win

Hindi napigilang masilayan ang presensiya ni Jean Marc Pingris na kahit nakasaklay na ay todo pa rin ang suporta sa Magnolia Ang Pambansang Manok kagabi (Marso 23).

Hindi naman siya nabigo dahil nanaig ang kanyang kampo sa Game 1 ng best-of-seven series sa Finals ng 43rd PBA 2017-2018 Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Kahit noong bago pa lang siyang maoperahan, hindi nagkulang sa pagbibigay ng suporta sa kaniyang mga kasangga ang baldado sa kasalukuyang basketbolista.

“Di ba sinabi ko naman sa iyo nu’n, kahit naka-wheelchair ako pupunta ako para lang bigyan ko sila ng suporta,” giit ni Pingris habang pokus na nanonood ng laro.

Ang totoo niyan, walang sinuman ang nakakaalam sa team ng Hotshots na sasaksi si Pingris at laking gulat at natuwa na lamang ang mga ito at tiyempong nahablot pa ng team ang panalo sa Game 1 laban sa utol na San Miguel Beermen 105-103.

Ang SMB ang kasalukuyang tatlong sunod na nagkampeon sa All-Filipino conference.

“Wala akong sinabihan. Basta pumunta na lang ako dito,” hirit ni Pingris.

Nu’ng Game 1 sa semifinals huling nakapaglaro si Pingris laban sa NLEX matapos ang kanyang pag-atake sa depensa ni JR Quinahan kung saan bumisaklat ang kaniyang tuhod.

Ang 36-anyos na basketbolista’y nakasaklay at may nakasuporta sa kaliwang tuhod at sa Abril 8 pa ito aalisin bago sumailalim sa therapy at rehabilitasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?