60

Jan 9, 2022 @ 16:06

Ping vs korapsyon: Pangako pa lang ng ibang kandidato, ginagawa ko na

Batid ni Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang malungkot na katotohanang may mga botante pa ring nahuhulog sa mga walang lamang pangako ng ilang kandidato, habang ang iba ay binabalewala na lamang ang korapsyon sa gobyerno dahil sa nakasanayang kalakaran.

Payo ni Lacson sa mga botante, lalo pa sa mga nagsasabing pare-pareho lang naman ang mga tumatakbo sa pagkapangulo—na magaling mangako pero wala naman talagang aksyon kapag nanalo—tingnan ang mga nagawa na ng kandidato at hindi ang mga ipinapangako pa lang.

“Ginagawa ko na e. [Noong] Chief PNP ako, ginawa ko na, tinigil ko ‘yung corruption sa PNP (Philippine National Police). Noong [naging] Senador ako, maski may nakakaaway ako, talagang nagbabantay ako ng corruption. Karamihan ng mga privilege speeches ko ay mula’t sapul hindi ba tungkol sa maling paggastos ng kaban ng bayan,” sabi ni Lacson sa panayam ng DWIZ nitong Sabado.

Tugon ito ng presidential bet ng Partido Reporma hinggil sa kawalan ng interes ng mga botante sa pagtugon sa isyu ng korapsyon, dahil wala naman umanong politiko sa kasaysayan ng politika sa bansa ang nakaresolba nito.

Ibinigay niyang halimbawa ang pangunguna niya sa pagkalkal sa malawakang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Department of Health, at Bureau of Customs na naging daan para makasuhan ang ilang matataas na opisyal nito.

Giit ni Lacson, hindi dapat hinahayaan ng mga Pilipino ang mga pagnanakaw sa kaban ng bayan. “Kasi hindi natin siniseryoso masyado e. Para bang [sinasabi]: ‘Sige na, ganyan talaga kalakaran e.’ Pagka ganoon kasi ‘yung attitude, wala talaga tayong pupuntahan,” aniya.

“Sabi nga nila, kasi panahon ng kampanya, pangako dito pangako doon. Ang sagot ko naman doon ‘ang tagal ko nang ginagawa ‘yan.’ Sa tinagal-tagal ko sa serbisyo—mula doon sa military, sa police, sa legislature—ni minsan hindi ako tumanggap ng suhol,” dagdag ni Lacson.

Nanawagan din siya sa lahat na pakinggan ang inilalatag niyang solusyon sa isyu ng pagnanakaw sa gobyerno dahil sa kanyang track record o mahusay na pagganap sa tungkulin sa pagsusuri sa mga pangunahing problema ng bansa partikular sa wastong paggamit ng pondo ng pamahalaan.

“Paliwanag ako nang paliwanag, kung hindi naman kayo interesado makinig, at ang gusto niyo lang marinig ‘yung mga mabababaw na isyu na halata mo naman ‘yung pangako hindi kayang pangatawanan ay nasa sa inyo,” dagdag ni Lacson.

Aniya, hindi problema ang komunikasyon sa nakalulungkot na sitwasyon ngayon, sa halip posibleng ugat nito ang problema sa pagitan ng nagbibigay ng mensahe at tumatanggap nito na kinakailangan ng malaking pagbabago para magkaroon ng pagkakaunawaan.

“Kaya tayo baon sa utang ay [dahil] hindi natin na-a-appreciate [ang maliliit na tagumpay sa laban kontra korapsyon],” sabi pa ni Lacson hinggil sa kanyang isinusulong na kampanya laban sa katiwalian.

“Imagine kung pareho mong i-improve ‘yon, mawawala ‘yung leakage sa revenue collection [at] mawawala rin ‘yung leakage sa paggastos sa expenditure. Lalo nang gaganda talaga ‘yung buhay ng bawat Pilipino na kababayan natin,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?