58

Jan 8, 2022 @ 21:54

Ping: Utos ni Duterte na pag-aresto sa mga ‘di bakunado, mahabang debate

Sinabi ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na sa kabila ng pagsusulong niya sa pagpapabakuna laban sa COVID-19, ang pag-aresto sa mga mamamayang hindi bakunado at lalabas ng kanilang mga tahanan ngayong pandemya ay isang kumplikadong usapin.

Ipinaliwanag ni Lacson sa panayam ng DWIZ nitong Sabado na mahirap para sa mga eksperto sa batas na masolusyonan kaagad ang mga magiging hinaing hinggil sa direktibang ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa banggaan ng dalawang karapatan—ng indibidwal at ng lipunan.

“Alam mo, ‘yung move na ‘yan o suggestion na ‘yan o move ng presidente, maski mismong mahistrado ng Korte Suprema ang tanungin natin sa legal, hindi ka mabibigyan ng eksaktong sagot kaagad. Sasabihin nila ‘pag-aaralan namin ‘yan,’” sabi ni Lacson kay radio host Cely Ortega-Bueno.

“Kasi ang nagbabanggaan diyan ‘yung individual right ng tao, ‘yung karapatan ng isang tao, laban naman sa karapatan ng mas nakakarami… At saka merong batas namang sumasaklaw e, ‘yung Republic Act 11332, ‘di ba?” dagdag niya.

Tinutukoy ni Lacson ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act of 2018, kung saan idineklarang polisiya ng estado na protektahan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at ikintal sa kanila ang kamalayan sa kalusugan.

“Kung titingnan natin, kung susuriin, meron namang pinanggagalingan na batas. Naipasa ito 2019, ano. In-amend na nga nito ‘yung dating batas pa na nauna. Pero mahabang debate ito kung aabot sa Korte Suprema kung sakaling merong mag-fi-file ng petisyon, ano,” aniya.

“Ang hindi ko lang maintindihan ay, ‘di ba, libre naman ang bakuna?… Bakit ‘yung iba ayaw pa magpabakuna? E hindi lang naman sarili nila at saka ‘yung mga mahal nila sa buhay ang kanilang pinoprotektahan, kung hindi pati ‘yung mga ibang tao na maski hindi nila kilala,” pahayag ni Lacson.

Sa kabilang banda, ikinatuwa ni Lacson ang mga ulat na malapit nang maabot ng bansa ang herd immunity o malawak na populasyon ang mayroong antibody dahil nasa 51 milyong Pilipino na ang nabakunahan laban sa COVID-19, halos kalahati ng populasyon ng mga nasa hustong gulang.

“Ang isa pang parang positive side ng Omicron, maraming nangamba, so marami ngayong gustong magpabakuna. ‘Yung mga dating alanganin na magpabakuna ay, siyempre, nag-alala sila. Teka, magpabakuna na tayo kasi ‘yung Omicron napakalakas kumalat. That’s looking at the positive side,” sabi pa ng mambabatas.

Sa kanyang talumpati para sa bayan, inatasan ni Pangulong Duterte ang mga awtoridad na nagpapatupad ng batas at mga opisyal ng lokal na pamahalaan na huwag pahintulutang lumabas sa kanilang mga tahanan ang mga indibidwal na hindi pa bakunado at aarestuhin ang sinumang susuway.

Inilabas ang kautusan kasunod patuloy na pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila dulot ng Omicron variant. Nitong Sabado, inulat ng Department of Health (DOH) na 26,458 ang mga bagong kaso at 43.7-porsyento naman ang positivity rate o bilang ng hawaan ng coronavirus sa bansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?