31

Oct 5, 2021 @ 15:52

Ping tinuhog ‘global coalition’ ng PNP

Pinuna ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang ‘global coalition’ ng Philippine National Police (PNP) na maaaring gamitin sa partisan politics.

Partikular nitong kinuwestiyon ang purpose ng “Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers,” na inilunsad noong Hunyo 25 ng taong ito.

“The last time I heard, the PNP is a territorial force. It is supposed to address internal threats. Why a ‘global coalition’? Bakit kailangan ng force multiplier na global, e internal threat tayo? Mukhang OFWs ang target nito,” tanong ni Lacson sa PNP sa pagdinig sa panukalang 2022 badyet ng Department of Interior and Local Government.

“I’ll be blunt… Pampolitika ito ng Community Relation,” dagdag nito.

Nitong nakalipas na mga buwan, sinabi ni Lacson na pinagpaliwanag niya si Police Maj. Gen. Rhodel Sermonia, dating director ng PNP Police Community Relations unit, hinggil sa pagkakasangkot sa aktibidad na may kinalaman sa data gathering kabilang ang email address at mga phone number.

Kinastigo rin umano ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr si Sermonia dahil sa pangangampanya noong 2019 midterm election gamit ang resource ng embahada.

Kinuwestiyon din ni Lacson, dating pinamunuan ang PNP mula 1999 hanggang 2001, kung bakit naghanap ang PNP ng force multiplier sa ibang bansa tulad ng Duavao, Saudi Arabia at Hongkong, gayong ang mandato lang ng PNP ay bantayan ang internal threat.

“What gives?” tanong ni Lacson.

Hindi naman nakumbinsi si Lacson sa pagtitiyak ni PNP chief Guillermo Eleazar na ang naturang aktibidad ng PNP ay hindi para gamitin sa politika.

“Naghahanap kayo ng member sa areas na maraming OFWs. How can they help enhance the anti-criminality campaign of the PNP that is supposed to address only internal threats? Di ko ma-reconcile,” ani Lacson.

Kinuwestiyon din ng senador ang paggamit ng ibang ahensiya ng gobyerno sa partisan politics, kabilang ang pag-atake sa kanya sa social media.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?