28

Jan 13, 2022 @ 14:25

Ping patunay na ang ordinaryo, pwede ring maging ekstraordinaryo—Partido Reporma

Tumayo sa sariling mga paa at kahusayan, hindi umasa sa pangalan ng magulang, isang opisyal ng gobyerno na tunay na action man, may integridad, talino, at kakayahang mamuno.

Ganito isinalarawan ni Partido Reporma treasurer at spokesman Arnel Ty ang chairman at presidential candidate ng partido na si Panfilo ‘Ping’ Lacson na aniya’y ehemplo ng isang mabuting lider at magiging salamin ng tagumpay ng bawat Pilipino sakaling maging susunod na pangulo.

“Ang akin hong palaging ni-re-remind or ipinapaalala sa ating mga kababayan, si Senator Ping Lacson or President Ping Lacson na magiging pangulo natin ay ito po ‘yung–pwede nating ikumpara ang bawat isa sa atin na kapag naipanalo o nanalo si Ping Lacson—si Senator Ping Lacson—ito po ‘yung lahat ng ating mga kababayang Pilipino ay may pagkakataon na maging isang Ping Lacson,” pahayag ni Ty.

Sa programang “Balitaan at Kumustahan” ng Abante Radyo Tabloidista, sinabi pa ng opisyal ng Partido Reporma na malaki ang kanyang tiwala na si Lacson ang pinaka may kakayahang maging pangulo dahil nauunawaan ng batikang mambabatas ang lahat ng Pilipino, anuman ang katayuan sa buhay.

“Dahil marami hong hindi nakakaalam na si President Ping Lacson ay galing sa isang simpleng pamilya na nangarap na makapag-aral at nagawa niya sa kanyang pagsisikap; nangarap na makapaglingkod sa bayan, nagawa rin po niya at naging pulis—sundalo at pulis at naging Chief PNP, at ito po’y dahil sa kanyang pagsisikap. Hindi po ito nakuha dahil sa palakasan,” sabi pa ng dating kongresista.

Dagdag niya, ang matagumpay na kuwento ng dating police chief na nagmula sa isang ordinaryong pamilya ay kombinasyon ng suwerte, determinasyon, at pagsisikap. Kaya naman ipinaliliwanag ng Partido Reporma sa mga Pilipino na si Lacson ang halimbawa na kaya rin nilang magawa ito.

Nanawagan siya sa lahat ng mga Pilipino na ihalal si Lacson upang maipagpatuloy ang pagsisilbi niya sa bansa bilang isang Pangulo, na aniya’y huling mga taon na niya sa serbisyo publiko matapos ang higit 50 taon bilang sundalo, pulis, mambabatas at mataas na opisyal ng gobyerno.

“Alam ko po ito na ‘yung kanyang ‘last hurrah’ na sinasabi niyang ito na ‘yung huling pagseserbisyo na nanaisin niya, na subukang kunin ang tiwala ng ating mga mamamayan, na siya ay mapiling maging isang pangulo upang maipadama niya kung ano talaga ang dapat na gawin ng isang gobyerno para sa kanyang mamamayan,” saad ni Ty.

Sa pangalawang pagtakbo niya bilang pangulo, dala ni Lacson ang kanyang plataporma na ‘Aayusin ang Gobyerno, Uubusin ang Magnanakaw’ at ipinangakong gagawin ang mga reporma na tunay na makakapag-resolba sa mga problema ng bansa at magdadala ng mas maayos na buhay sa lahat ng mga Pilipino, hindi lang sa kasalukuyan ngunit maging sa mga susunod na henerasyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?