91

Jan 10, 2022 @ 14:35

Ping: Partisipasyon ng pribadong sektor, lokal na pamahalaan sa mass testing palawakin

Hinimok ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang pamahalaan na makipagtulungan sa mga organisasyon ng pribadong sektor at mga lokal na pamahalaan para sa posibleng pagbibigay ng libre at mas malawak na COVID-19 testing program, ngayong nagpapatuloy ang pagtaas ng mga bagong nahahawa sa bansa.

Inihayag ito ni Lacson dahil sa hinaing ng publiko hinggil sa mahal na gagastusin para sa RT-PCR test at tumataas na pangangailangan para sa mapagkakatiwalaang brand ng COVID-19 rapid antigen testing kits dulot ng banta ng mas nakakahawang Omicron variant.

“Mahal ang testing e. Ang pag-swab test nasa mga P3,700 e, kung private setting ha. Kung pila, siyempre, mas mura-mura. Pero hindi naman lahat ng kababayan natin may panggastos na ganoon,” saad ni Lacson sa panayam ng DWIZ.

“Ako, suggestion ko, involve uli natin ‘yung mga local government unit at saka ‘yung pribadong sektor. Kasi willing naman ang private sector na tumulong dito e. Hindi ko lang alam kung bakit parang sa halip na i-encourage natin minsan, ‘di ba, pinapahirapan pa natin?” dagdag niya.

Isinusulong ni Lacson ang libreng COVID-19 testing, lalo ngayong nagpapatuloy pa rin ang paglaban ng bansa sa pandemya at mga umuusbong na variant nito na aniya’y dapat bahagi ng serbisyo publiko ng gobyerno.

“Dapat libre talaga ‘yung testing, of course, lalo na doon sa mga pangkaraniwang empleyado. Kung may wherewithal naman at kaya naman magbayad, e ‘di pagbayarin. Pero ‘yung alam natin na pangkaraniwan, mga pang-araw-araw na sumusuweldo, offer-an na lang natin ng libre,” aniya.

Samantala, umapela rin si Lacson sa lahat ng mga diagnostic testing center at laboratoryo na nagsasagawa ng mga COVID-19 test na bigyan lagi ng update ang kanilang mga kliyente hinggil sa estado o resulta ng kanilang mga sample.

Ito ay upang maiwasan ang pangamba at stress ng mga posibleng may sakit na habang hinihintay ang kanilang resulta, tulad ng nangyari sa kanilang mag-asawa. Ani Lacson, nangako ang unang laboratoryo na kanilang kinuha para sa home service ng RT-PCR test na mapoproseso ito sa loob ng 12 oras pero sa halip ay umabot ng dalawang araw.

“Kasi obligasyon ‘yon e. Para kang pumirma ng contract e, nagbayad ka e. Sa akin naman, okay lang na ma-delay, na-ano ko rin ‘yon e, naintindihan ko rin na pwedeng na-overwhelm sila, ‘yung backlog nila masyadong malaki,” paliwanag ni Lacson.

“Sa akin naman ‘yon bang halimbawang tumawag man lang. Nandoon naman ‘yung aking telephone number, mobile number. Tawagan man lang na ‘ay pasensya na ho kayo kasi medyo overwhelmed kami ngayon pero asahan ninyo na mamadaliin namin ito’ o ilalabas ‘yung resulta,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?