62

Jan 13, 2022 @ 18:25

Ping OK sa panukalang ibigay muna sa mga biktima ni ‘Odette’ ang budget sa political ads

Positibong tinugon ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang apela ng kasamahan niyang si Senador Juan Miguel Zubiri sa lahat ng mga kandidato sa Halalan 2022 na i-donate ang bahagi ng kanilang pondo sa television advertisement para sa mga biktima ng Bagyong ‘Odette’.

Sa kanyang opisyal na Twitter account @iampinglacson, pumayag ang presidential candidate sa panawagan ni Zubiri na lumabas sa isang ulat nitong Martes (Enero 11). “Migz, I’ve already done this. It’s even more than what you’re asking. But, yes, you made a good call,” sabi ni Lacson.

Kasunod nito, nilinaw ni Lacson na hindi pa siya gumagastos nang ganoon kalaki para sa mga TV ad niya simula nang una siyang tumakbo sa politika noong 2001. Aniya, “Well, sorry. Not a month. I thought a day. Hindi kaya. I don’t remember having a month-long running TVC in all my campaigns.”

Gayunpaman, palaging sinasabi ni Lacson na lagi siyang handang tumulong kaninuman o saan mang lugar, pero sa tahimik na pamamaraan. Pinatunayan ito ng liham na ipinadala noong Disyembre 20 sa kanyang opisina mula sa mga police trainee sa Isabela na lubos na nagpasalamat sa mambabatas.

Batay sa liham, nagbigay ng donasyon si Lacson, bilang chairman ng Philippine National Police Foundation, ng mga kagamitan para sa Philippine National Police (PNP) Training Institute Regional Training Center 2 na nakabase sa Cauayan City, Isabela.

“On behalf of the RTC 2 personnel and training staff of Regional Training Center 2, I would like to extend our profound gratitude and appreciation for the donations you have given to this institution,” ayon kay Police Lt. Col. Jean I. Dela Torre, officer-in-charge sa nasabing training center.

Ipinadala ang nasabing liham sa pamamagitan ni retired Police Police Maj. Gen. Victor G. Batac, ang Executive Director ng PNP Foundation, na itinatag ng mga pribadong mamamayan noong Hunyo 2000. Layunin ng samahan na alisin ang krimen at panatilihin ang kaligtasan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagtulong sa pambansang pulisya habang humaharap ito sa mga hamon ng lipunan.

Ayon kay Dela Torre, malaki ang pasasalamat ng mga kadete sa RTC 2 dahil sa ibinigay na suporta ni Lacson sa mga trainee. Aniya, ang mga dagdag na kagamitan ay magpapataas din sa kanilang kapasidad na matuto at mas magiging maayos ang kanilang mga classroom para sa pag-aaral.

“The generous support of individuals like you makes it possible for our training center to cater more to the basic needs of our students undergoing the phases of their regimented life and blended learning for career courses,” ani Dela Torre.

Si Lacson ay naging kadete rin at nagtapos sa Philippine Military Academy “Matatag” Class noong 1971, na kamakailan ay nagdiwang ng ika-50 anibersaryo. Naging kilala siyang opisyal ng militar sa dating Philippine Constabulary at tinaguriang ‘Super Cop’ sa PNP, na kanyang pinamunuan mula 1999 hanggang 2001.

Bago matapos ang nakaraang taon, agad na inatasan ng hepe ng Partido Reporma ang iba’t ibang grupo mula sa kanyang partido, mga campaign volunteer, at staff niya sa Senado na magpokus sa pagbibigay ng tulong sa mga biktima ng sakuna matapos nitong manalasa sa bansa noong Disyembre.

Tumatakbo si Lacson bilang Pangulo sa Halalan 2022 na gaganapin sa May 9. Nakatuon ang kanyang mga plataporma de gobyerno sa mabuting pamamahala at pagsugpo ng korapsyon. ‘Aayusin ang Gobyerno, Uubusin ang Magnanakaw’ ang isa sa mga pangunahing mensahe ng kanyang kampanya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?