25

Nov 18, 2021 @ 16:55

Ping: Nauna ako sa pagsugpo ng korapsyon

Sa lahat ng mga kandidato sa pagkapangulo para sa 2022 national elections, sinabi ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na siya at kanyang running mate na si Vicente “Tito” Sotto III ang may pinakamahabang kahandaan sa pagtapos sa katiwalian sa pamahalaan.

Pinagmalaki ni Lacson na siya at si Sotto, na may pinagsamang 42 taon ng pagseserbisyo sa Senado, ang may best record sa pagtugon sa katiwalian at korapsyon kumpara sa iba pang mga kandidato sa May 9 elections.

“We are ahead,” sinabi ni Lacson sa kanyang pagharap sa 21st membership meeting ng Rotary Club of Manila (RCM) nitong Huwebes.

Naniniwala rin si Lacson na sa tulong ng pagi-invest sa mga skill, training, at talino ng mga Pilipino, makakaahon ang bansa mula sa pagkakalugmok.

Sa kanyang pakikipag-usap sa mga miyembro RCM, sinabi ni Lacson na kung mahahalal siya bilang Pangulo, mayroon itong mga nakalatag na para masagot ang problema kung, “Paano makakabangon ang bansa sa pagkakalugmok?”

Pagdidiin ni Lacson, na kilalang nagsisiwalat sa mga maanomalyang pagba-budget sa gobyerno, susi para makarekober ang bansa ang matalinong paggastos sa pera ng taumbayan.

Kabilang sa plano ni Lacson sa kanyang panunungkulan ang pagbalanse sa budget upang matugunan ang problema sa utang ng bansa.

Ayon pa sa dating hepe ng national police, bilang Pangulo ay nangangako itong magiging ehemplo at hindi magiging diktador sa pamamahala.

Inamin rin niya na wala sa kanyang inisyal na plano ang muling pagtakbo sa pagkapangulo sa pangalawang pagkakataon at gusto na umano niyang magpahinga sa serbisyo publiko, gayunman sinabi sa kanya ni Sotto na dahil sa mga taon niya sa Senado at bilang opisyal ng pulisya, siya ang may malaking kahandaan sa pagtugon sa problema ng bansa, lalo na ang COVID-19 pandemic.

Patunay dito ang mga ginagawang “Online Kumustahan” ng Lacson-Sotto tandem, kung saan ipinangako ng presidential bet ng Partido Reporma na walang ‘entertainment politics’ sa lahat ng kanilang kampanya dahil magpopokus sila sa pagpapakita ng kanilang mga kayang gawin para sa ikabubuti ng mga Pilipino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?