41

Jan 12, 2022 @ 8:56

Ping: Magtulungan tayo vs napabalitang COMELEC hacking para boto protektado

Hindi pa man kumpirmadong napasok nga ng hackers ang mga server ng Commission on Elections (COMELEC), nananawagan na si Partido Reporma standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson sa iba’t ibang sektor na magkaisa upang madiskubre kung may katotohanan ang nabanggit na balita.

Ayon sa senador, mahalagang makumpirma kung may katotohanan ang nabanggit na balita dahil ang pagboto ay napakadalang na pagkakataon upang magamit ng karamihan ang karapatan nilang pumili ng lider alinsunod na umiiral na demokrasya.

“Ang eleksyon ang pinakamalapit at pinakamalakas na representation ng demokrasya sa Pilipinas, kasi isang araw lang ‘yan na hari ang tao,” banggit ni Lacson sa panayam sa kanya ng DZAR radio station.

Aniya hindi dapat makompromiso ang kasagraduhan ng halalan kung kaya’t dapat na sa pinakamaagang panahon ay ilabas na ng mga nagsiwalat sa umano’y hacking sa COMELEC ang kanilang mga katibayan sa sinasabing pangyayari.

Isiniwalat din ng Partido Reporma standard-bearer na inatasan na niya ang kanyang cybersecurity team na mag-antabay sa mga pangyayari kaugnay sa naturang impormasyon na ngayon ay tinututukan na rin ng Department of Informations and Communications Technology (DICT) at mismong COMELEC.

Kung madagdagan ang detalyeng isiniwalat ng mga nagbunyag sa umano’y hacking, susunod nang mahuhugisan ang mga tao o personalidad na nasa likod nito, ang kanilang mga motibo at kung sino o sinu-sino ang makikinabang.

Partikular din na inatasan ni Lacson ang kanyang cybersecurity team na tuklasin na kung totoo nga ang hacking sa sistema ng COMELEC ay tingnan kung gaano kalala ang pinsalang tinamo ng mga sistema ng election body.

“Ayaw natin paniwalaan ‘yan pero in the realm of possibilities dapat lahat matingnan natin,” mariing banggit ni Lacson.

Sa usapin naman ng posibleng imbestigasyon ng Kamara at Senado sa naturang usapin, maaari itong agad na isagawa kahit pa walang resolusyon na inihahain.

“Kung kinakailangan, may joint oversight committee, anytime ‘yan, hindi kailangan ang resolution,” dugtong ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?