13

Jan 13, 2022 @ 13:38

Ping: Magnanakaw na enforcer bistado kung may camera lahat ng kalsada

Iginiit ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na dapat nang ipatupad sa buong bansa ang digitalization at gamitin sa panghuhuli ng mga tsuper na lumalabag sa batas-trapiko para masolusyunan din ang pagnanakaw ng mga abusadong traffic enforcer.

Sa programang ‘Pasada 558’ nina Ricky Rivera at Raul Virtudazo ng DZXL, tinanong si Lacson kung ano ang kanyang opinyon hinggil sa pagpapatupad ng ‘No-Contact Apprehension’ policy ng ilang mga lokal na pamahalaan.

Sa polisiyang ito ginagamit ang mga CCTV (closed-circuit television) camera, mga traffic enforcement camera gaya ng speedcam, at iba pang high-tech na gadget para manghuli ng mga pasaway na motorista at ma-record ang ilan pang uri ng pang-aabuso sa kalsada.

“Dapat buong Pilipinas. Alam mo Ricky, Raul, ito maski wala nang kokontra sa akin dito. Maraming mga traffic enforcer, lalo na ‘yung mga naitalaga ng mga LGU (local government unit), may hawak na tickets. Kasi deputies o deputized sila [pero] hindi naman alam kung ano ‘yung mga violation.”

“Subukan mo ‘pag hinuli ka sabihin mo: ‘Sige, anong violation ko? Ticketan mo ako.’ Sasabihin sa’yo: ‘Sige na po, sir.’ Hinuhuli ka lang para kotongan ka… At saka, saan ka nakakita ng nag-ta-traffic [pero] nasa kanto, nakatago sa ilalim ng puno?” sabi pa ni Lacson na nakilala sa pagtanggal ng mga kotong cop nang pamunuan niya ang Philippine National Police.

Kabilang ang digitalization sa mga repormang isinusulong ni Lacson kung magiging susunod na pangulo ng bansa upang maayos ang buhay ng mga Pilipino. Ito ang nakikita niyang isa sa mga epektibong tugon ng gobyerno para labanan ang nakawan at iba pang uri ng korapsyon.

“Kung digital na ang mga transaksyon, aplikasyon at iba pang mga dokumento, magkakaroon ng transparent na proseso ng serbisyo publiko. Mawawala ang ‘lagayan,’ ‘tara system’ at mapapabuti ang ating cyber security system,” aniya.

Nakaangkla rin ang platapormang ito sa problema ng maraming motorista na hinuhuli ng abusadong mga traffic enforcer kahit wala namang ginawang paglabag, lalo pa kung walang dash camera ang kanilang sasakyan.

Ilan sa mga iligal na panghuhuling ito ay nakunan ng video at nag-viral sa social media kaya naman lumakas ang panawagan para magkaroon ng mas maayos na sistema ng panghuhuli sa mga motoristang tunay na nakagawa ng paglabag sa batas trapiko.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?