116

Jan 10, 2022 @ 11:11

Ping: Kalma lang! Alam natin gagawin laban sa galawang ‘no-el,’ term extension

Siniguro ni Partido Reporma chairman at standard bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na handa ang Senado para sa maayos na pagpapasa ng kapangyarihan sa susunod na mga mamumuno, kung sakaling mangyari ang hindi inaasahang pagpapaliban ng eleksyon o ‘no-election’.

“Maski madiskaril ang eleksyon… Halimbawang designed man o hindi o unintended, kung halimbawang hindi magkaroon ng eleksyon sa Mayo, at magkaroon ng problema sa June 30, kasi lahat bababa e… But there is one body, one institution, na ang tawag [ay] ‘continuing’—Senado lang ‘yun,” ani Lacson sa panayam ng DWIZ.

Sinabi ni Lacson na pinangunahan na nila ng running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang talakayan kung paano maghahalal ng bagong lider ng Mataas na Kapulungan mula sa hanay ng 12 senador na matatapos ang termino sa 2025. Titiyakin nito na magpapatuloy ang gobyerno sa kabila ng pinalulutang na ‘no-el’ ng ilang partido.

Sa ilalim ng Saligang Batas, ang Presidente, Bise Presidente, Senate President at Speaker ng Kamara de Representantes ay dapat na bumaba sa puwesto pagsapit ng Hunyo 30, 2022, magkaroon man ng eleksyon o wala ngayong taon.

Ngunit kung sakali talagang walang gaganapin na halalan ngayong taon, sinabi ni Lacson na isang Senate President na may aktibong termino ang maaaring humalili bilang pansamantalang pangulo at magtalaga ng mga pansamantalang opisyal ng Gabinete, hanggang sa maisagawa ang aktuwal na eleksyon.

“But temporary lang naman siyang uupo, I think, hindi ko sure kung six months ‘yung maximum period na kung saan dapat tumawag siya ng eleksyon para ma-elect na ‘yung bagong presidente at saka bise-presidente. Rumiremedyo na kami, naka-ready na kami doon,” paliwanag ni Lacson.

Ang Senate President ang ikalawa sa maaaring pumalit sa Presidente, pagkatapos ng Bise Presidente at susundan ng House Speaker. At dahil kapwa mga nahalal noong 2016, nakatakdang bumaba sa Hunyo 30 sina Sotto, Pangulong Rodrigo Duterte, Bise Presidente Leni Robredo, at House Speaker Lord Allan Velasco.

Iminungkahi umano ito ni Lacson, na nakatakda na ring matapos ang termino ngayong taon, sa kanyang mga kasamahang senador upang makapaghalal sila ng bagong Senate President; mangangailangan ito ng 13 boto mula sa mayorya.

Kung sakaling mangyari ang ‘no-el’ sa Mayo, ang bagong Senate President pagkatapos ni Sotto ang magiging acting president sa loob ng hanggang anim na buwan, at sa panahong ito ay dapat na makapaghalal na ng mga bagong opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa ng chairman ng Partido Reporma, kung magiging maliwanag umano na walang halalang magaganap sa Mayo, dapat nang maghalal ng bagong Senate President bago mag-adjourn ang Senado sa Pebrero 7, araw ng pagsisimula ng opisyal na panahon ng kampanya.

Giit pa ni Lacson, inanunsyo nila ang ganitong plano upang hindi makaporma ang mga nagbabalak ng ‘no-el’ dahil hindi naman umano ito mangyayari. “Senado nga lang talaga ‘yung mayroong mga elected na beyond June 30, 2022. Kaya kami lang talaga ‘yung sabihin nating ‘bulwark’ ng democracy sa Pilipinas,” aniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?