138

Sep 18, 2021 @ 20:53
By

Ping inireklamo pagbalewala ng survey firm

Ibinuking ni Senador Panfilo Lacson ngayong Sabado ang mga natanggap niyang ulat kung saan itsapwera siya sa mga pre-election survey.

Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Lacson na nakatanggap ng ulat ang kanyang running mate na si Senate President Tito Sotto kung saan kapag may sumagot ng ‘Lacson’ sa mga survey ay hindi ito binibilang.

“Ini-invalidate pagka may sumagot na ‘Lacson’. Hindi raw kasama, invalid daw,” kwento ni Lacson.

“Eh papaano naman tayo aangat sa survey kung pinupwera — eh ako pa nga lang yong nakapagdeklara. Hindi raw isinasama, iinvalidate ‘yong respondents na nagsasabi na ako ‘yong kanilang choice,” dugtong pa ng senador.

Sa ngayon daw ay inaalam pa nila kung aling survey firm ang nasa likod nito.

“Dapat parehas tayo, hindi ‘yong — ewan ko kung sino ‘yong nag-commission non — ‘Pag ito ‘yong pangalan na lalabas, gawin niyong invalid’. Eh paano ka maniniwala sa survey niyan,” wika pa ni Lacson.

Sina Lacson at Sotto pa lamang ang pormal na nag-anunsyo ng kanilang kampanya bilang pangulo at pangalawang pangulo sa 2022.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?