34

Dec 6, 2021 @ 16:16

Ping: Hindi lang boto ang sagrado sa eleksyon, pagiging kandidato rin

“Hindi lang ‘yung pagboto ang sagrado, kundi pati pagtakbo, sagrado ‘yan. ‘Wag nating laru-laruin kasi ang kawawa, hindi tayo; ang kawawa ‘yung susunod sa atin.”

Ito ang mensahe ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa mga residente at lokal na opisyal na nakasama sa kanyang pakikipagdayalogo sa mga tsuper at operator ng transport group sa Tanza, Cavite nitong Biyernes.

Ayon sa batikang mambabatas, dapat na maging matalino sa pagpili sa susunod na magiging lider ng bansa lalo’t nahaharap tayo sa mga kalamidad, banta ng terorismo, at pandemya.

“Tuwing uuwi tayo ng bahay, tignan natin ‘yung mga anak natin, tignan natin ‘yung mga apo natin… Anong kinabukasan ang maghihintay sa kanila kung mali na naman ‘yung napili natin?” ani Lacson.

Sabi pa ng batikang mambabatas, kailangan ng lider na subok na sa karakter lalo sa paghawak ng kapangyarihan at pera.

“Bigyan mo ng power, offer-an mo ng pera. ‘Pag pumasa ‘yan, pasado ang character ng isang tao. ‘Di ba, ‘pag nakatikim ng power naiiba na ‘yung pananaw e. Hindi po ba? Ganyan,” aniya.

Nilahad din ni Lacson kung paano niya dinala sa Senado ang mahigpit niyang polisiya laban sa kotong nang maging hepe siya ng Philippine National Police, na nagresulta sa kanyang malinis na service record.

Hinikayat pa ng presidential candidate ang lahat ng mga Pilipino na lumahok sa pagbabantay sa kaban ng bayan. Aniya, “‘Wag niyo sabihing wala kayong pakialam sa kaban ng bayan, tayong lahat may pakialam.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?