34

Jan 12, 2022 @ 12:51

Ping handang mamuno, magsakripisyo para sa serbisyo publiko

Sinabi ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson na nakahanda siyang tanggapin anuman ang kapalaran niya sa paparating na Halalan 2022 at wala siyang pagsisisi sa buong karera niya sa serbisyo publiko.

“Matagal na rin ako sa gobyerno. I think, hindi naman sa pagbubuhat ng sariling bangko, marami na rin akong nagawa para sa ating bayan. Pero kung manalo, prepared ako na talagang (maglingkod pa),” ani Lacson sa programang “Sukatan” ng DZAR nitong Martes.

“Sakripisyo pa nga e, kasi kilala ko ang sarili ko, Mike. Nakatikim na rin ako ng position ng power e. Hindi ko inabuso,” dagdag ni Lacson sa panayam ng radio host at mamamahayag na si Mike Abe.

Sa nasabing panayam, ipinairal ni Lacson ang kanyang praktikal at positibong pananaw sa buhay, at sinabing ituturing niyang ‘blessing’ kung manalo man siya o hindi.

“Ako naman ang attitude ko, kung manalo ako, naka-ready ako; prepared ako na magsilbi. ‘Yung gagamitin ko ang aking pinag-aralan sa PMA (Philippine Military Academy), ‘yung courage, integrity, loyalty,” sabi pa ng presidential aspirant na may 18-taong karanasan bilang senador.

“At kung matalo naman ako, I can enjoy living in peace with my family, tapos spend quality time with my friends, lalo doon sa mga supporter na talagang, sabi ko nga kanina, through thick and thin nandiyan,” dagdag niya.

Sa kabila ng sinasabi ng ilang eksperto, kritiko, troll, at mga basher na pilit siyang inaalis sa laban para sa pagkapangulo bago pa man magsimula ang opisyal na panahon ng kampanya, mas nagiging matatag si Lacson sa kanyang pag-asa na magwawagi.

Aniya, pinag-aaralan na nila ang resulta ng mga nakaraang survey upang maging gabay at mapabuti pa ang paglalatag ng kanilang mensahe sa publiko at istratehiya sa kampanya. Pero anuman ang mangyari, iginiit ni Lacson na wala siyang planong lokohin ang publiko para manalo.

“Mag-a-adjust ka, titingnan mo may analytics na ginagawa. Mas maganda ‘yung ina-analyze mong mabuti kaysa doon sa knee-jerk reaction. Parang saan ka ba nagkukulang sa messaging,” lahad ni Lacson kay Abe kung paano niya hinaharap ang mga survey.

Ka-tandem ni Lacson si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III at isinusulong nila ang mabuting pamamahala at pagsugpo sa korapsyon, bilang mga pangunahing plataporma, tangan ang mga mensaheng “Aayusin ang Gobyerno” at “Uubusin ang Magnanakaw.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?