21

Jan 8, 2022 @ 22:10

Ping: Disiplina, pagtutulungan ng bawat Pinoy susi para matapos ang pandemya

Nakasalalay ang pagtatapos ng pandemya dulot ng COVID-19 sa indibidwal na disiplina at personal na pananagutan ng bawat Pilipino para magbakuna, lalo na ngayong tumataas ang hawaan dahil sa Omicron variant, ayon kay Partido Reporma chairman at standard bearer Panfilo “Ping” Lacson.

Sa panayam ni Cely Bueno sa programang “Usapang Senado” sa DWIZ nitong Sabado sinabi ni Lacson—na kasalukuyang nagpapagaling sa COVID-19—na ginagawa naman ng pambansa at lokal na pamahalaan ang makakaya nito sa ngayon para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus.

“Talagang ang basic, ang pinaka-basic na pantugon talaga rito tao, tayo-tayo rin e. Kapag hindi nag-cooperate ‘yung mga mamamayan sa siyensya ay talagang the government can only do so much. Ngayon na-re-realize nating ganyan, especially dito sa Omicron,” sabi ni Lacson.

Para sa mambabatas, mainam pa rin para sa lahat ang makaiwas sa sakit na ito dahil kahit paramihin pa ng gobyerno ang bilang ng mga kama sa ospital ay hindi rin nito tuluyang mareresolba ang kasalukuyang suliranin sa pandemya.

“Lalo itong COVID-[19], hindi itong kayang tugunan ng padamihan ng hospital beds. Parang pang ano lang yun e, pang stopgap lang e,” aniya.

Sa kabila rin ng kautusan ng pamahalaan na limitahan ang galaw ng mga hindi bakunado, at pagkakaroon ng batas na nagpaparusa sa mga hindi susunod sa pagkalat ng nakakahawang sakit, hindi umano maintindihan ni Lacson kung bakit may mga Pilipinong umiiwas pa rin sa bakuna.

“Libre naman ang bakuna, ‘yung ibang LGU nga apaw ang doses, nag-offer na sila sa hindi taga-kanila, nag-encourage na pumunta sila dito, hindi pa ba sapat ‘yun?” sabi pa ng batikang mambabatas.

“Kung bakunado sila, hindi sila vulnerable, ika nga. At kung sila man ay tamaan, at least may proteksyon pa rin kahit paano,” dagdag pa ni Lacson. Napatunayan na ito ng mambabatas ng mag-positibo siya sa COVID-19 nitong Enero 6 subalit hindi niya kinailangang ma-ospital dahil siya ay bakunado.

Samantala, umaasa naman si Lacson na hindi magtatagal ang kasalukuyang pagtaas ng kaso ng mga nahahawa dahil mas mabilis na kumalat ang Omicron variant kahit pa pinag-aaralan na ng pamahalaan na iakyat sa Alert Level 4 ang paghihigpit sa Metro Manila.

“Ang pinaka-problema natin dito ‘yung ekonomiya na naman natin. Bumaba na nga ‘yung unemployment rate, tapos medyo nagbubukas na ‘yung mga business, pagkatapos eto na naman tayo. So, napakabigat. Mahirap talaga, napakahirap,” pahayag ni Lacson.

Iginiit niya na wala dapat ‘trade-off’o mas nakahihigit sa pagitan ng kalusugan ng publiko at ekonomiya ng bansa dahil parehong mahalaga ang dalawang bagay na ito na kailangang proteksyunan ng gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?