662

Oct 20, 2021 @ 22:47

Ping dikit kay Leni sa survey

Magkadikit sina Partido Reporma standard bearer Panfilo “Ping” Lacson at Vice President Robredo sa isang survey ng Issues and Advocacy Center (The Center).

Nagtala ng 12.5 porsiyento si Lacson sa “Pulso ng Pilipino” pre-election survey na isinagawa mula Setyembre 27 hanggang Oktubre 8 ng kasalukuyang taon.

Ayon sa The Center, nananatiling dikit ang labanan sa pagitan ng mga presidentiable kaya masyado pang maaga para alisin sina Lacson, Robredo at Senador Ronald dela Rosa sa tatlong maglalaban-laban.

Nasa unahan ng survey si dating senador Bongbong Marcos, sumunod si Senador Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno habang magkadikit sina Lacson at Robredo.

Positibo namang tinanggap ng Partido Reporma ang nabanggit na resulta ng survey dahil nagpapakita lamang ito na nasa tamang direksyon ang kanilang pangangampanya sa kabila ng kakaibang galawang pampolitikal sa bansa.

Bukod sa magandang impresyon sa survey sa Luzon at Visayas, inaasahang titibay ang pundasyon ni Lacson sa Mindanao dahil sa naganap na malawakang lipatan ng mga politiko sa Davao del Norte sa Partido Reporma.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?