10

Aug 4, 2020 @ 12:14

Ping: Dialysis center, maternity care binigyan ng COVID fund

Kinuwestyon ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kung bakit binigyan nito ng advance payment para sa mga COVID-19 patient ang isang dialysis center at naglabas din ng pondo para sa maternity care package providers.

“You can see P226M released to freestanding dialysis centers and P4.7M released to maternity care package providers,” pahayag ni Lacson sa pagsisimula ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole hinggil sa korapsyon sa PhilHealth.

Binanggit ni Lacson ang limang sangay anya ng pribadong Braun Avitum Dialysis Center sa Maynila na tumanggap ng kabuuang P45,176,518 sa loob lamang ng ilang araw.

Samantalang ang Ospital ng Maynila aniya na isang pribadong pagamutan ay hindi pa natatanggap ang reimbursement mula sa PhilHealth na nagkakahalaga ng P19 milyon sa kabila ng paulit-ulit nang apela nito.

Naglabas naman aniya ng P4.7 milyon ang PhilHealth para sa mga maternity care package provider.

“We dare ask: Why would maternity care package providers and freestanding dialysis centers which do not even cater to COVID-19 patients receive COVID-19 advance payments from PhilHealth? You can see P226M released to freestanding dialysis centers and P4.7M released to maternity care package providers,” ayon pa kay Lacson.

Binigyang-diin ng senador na ang mga ganitong isyu ang dahilan kung bakit kailangang magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa korapsyon sa PhilHealth para makagawa ng mga kaukulang batas upang mabigyan ng proteksyon ang mahigit 104 milyong miyembro at mga dependent ng PhilHealth.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?