49

Jan 8, 2022 @ 17:58

Ping: COVID tester walang update kaya sumama loob ko, ‘di ako nagpa-VIP

Nilinaw ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang kanyang nakaraang tweet hinggil sa unang laboratoryo kung saan siya nagpa-swab test para malaman kung siya ay positibo o negatibo sa COVID-19 na umani ng batikos mula sa ilang mga netizen.

Sa isang panayam sa radyo nitong Sabado, ipinaliwanag ni Lacson na ang dahilan ng kanyang reklamo ay ang hindi pagsunod ng nasabing laboratoryo na matatanggap nila ang resulta sa loob lamang ng 12 oras gaya ng kanilang ipinangako.

“Sa akin, okay lang na ma-delay bigyan lang kami ng update. Update lang na sabihin na ‘pasensya na kayo’ kasi… Sabi ko ‘hindi nga ako nag-pu-pull ng strings’ at sana kung [ganoon] ‘di sana tinawagan ko na ‘yun at pinagmumura ko na o kaya pinagalitan ko,” sabi ni Lacson.

Sa kanyang tweet nitong Enero 6, inihayag ni Lacson ang kanyang pagkadismaya dahil umabot ng mahigit 40 oras ang kanilang paghihintay para malaman ang resulta ng kanilang RT-PCR test, bagay na nagdulot ng pangamba sa kanya dahil may comorbidity ang kanyang asawa.

At dahil madalas ang bardagulan ng mga tumatambay sa social media, lalo na ‘yung mga naglilingkod para sa mga katunggali ni Lacson sa pulitika, agad itong ginatungan ng ilan at ipinalabas na nagpapa-importante ang senador gayong tumaas ang demand para sa serbisyo ng mga testing center.

“Nagtiyaga nga ako. Pero, siyempre, hindi ko rin maiwasan dahil nag-aalala ako, unang-una, sa misis ko kasi may comorbidity. Kasi operado sa puso e. Tapos ‘yung mga staff ko… Mas mainam na ‘yung alam nila kung positive o negative para ‘yung anxiety nila mabawasan din,” paliwanag ni Lacson.

“So, ‘yun lang ang gusto kong ipaliwanag, na ‘yun ang pinanggalingan ko. Hindi ako nagmamalabis, hindi ako nag-fi-feeling entitled kundi ‘yun lang ang aking nararamdaman,” dagdag pa ng chairman ng Partido Reporma.

Ayon pa kay Lacson, hindi lang naman siya ang nakaranas ng mabagal na resulta ng COVID-19 test, ngunit maging ang ilan sa mga overseas Filipino worker na umuwi sa bansa at sumailalim sa nasabing regulasyon upang makapiling sana ang kanilang mga pamilya noong nagdaang bakasyon.

Aniya, ang naranasan nilang paghihintay sa resulta ng kani-kanilang mga swab test ay nakabawas sa panahong dapat sana’y kasama na nila ang mga mahal sa buhay noong holiday season. Kaya hiling lamang ng senador na maging mas maayos at tapat sa mga kliyente ang mga testing center.

Para kay Lacson, ang mga ganitong sitwasyon ay nakadaragdag ng stress sa mga taong kinuhanan ng sample kaya mahalaga na mabigyan sila ng update ng mga laboratoryo. Nauunawaan niya na abala rin talaga ang mga ito sa dami ng nagpapa-test ngayon.

Samantala, ipinahayag din ni Lacson na sang-ayon siya sa pagbibigay ng libreng COVID-19 testing, lalo na sa mga ordinaryong manggagawa na matinding apektado ng nagpapatuloy na paghihigpit at limitasyon sa Metro Manila kasunod ng muling pagtaas ng mga nahawa sa coronavirus.

“Ako suggestion ko, involve uli natin ‘yung mga local government units at saka ‘yung pribadong sector. Kasi wiling naman ang private sector na tumulong dito e. Hindi ko lang alam kung bakit sa halip na i-encourage natin, minsan, ‘di ba, pinapahirapan pa natin. Maski nga ‘yung sa vaccines e, nag-o-offer na sila,” aniya.

“So, sa mass testing, I’m sure ‘yung ating mga private sector… I-encourage lang ng gobyerno, sigurado sila na mag-o-offer [na] ‘sige na, kami na magpapa-test nang libre sa mga employees natin,” sabi pa ni Lacson.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?