128

Dec 20, 2017 @ 17:28
By

Pinay rider Marella Salamat, tutok na sa 2018 Asian Games

Pagtutuunang muli ng numero unong babaeng rider ng bansa na si Marella Salamat ang kanyang paboritong event na Individual Time Trial sa papasok na taong 2018 sa misyong maka-medalya sa 18th Asian Games sa Palembang at Jakarta sa Indonesia.

Inihayag mismo ng dating Batang Pinoy discovery at naging 2015 Singapore Southeast Asian Games ITT gold medalist ang kanyang paghahanda sa matinding “race against the clock” na event para sa kada apat na taong Asiad na nakatakda sa Agosto 18-Setyembre 2.

Sinabi kahapon ni national women’s cycling team coach Cesar ‘Ponga’ Lobramonte, na asam ni Salamat na maibalik ang kanyang kondisyon gaya nang maka-gold sa 2015 SEA Games sa pagnanais ding maka-medalya sa nalalapit na 2018 Asiad.

“Iyung mga event niya sa SEA Games ay lagi siya na naiipit sa last sprint kaya puro fourth place lang siya. Mas gusto niya ngayon na masanay nang husto sa ITT na puwede na rin niyang magamit kapag sprint to the finish ang mangyayari sa mga sasalihan niyang karera,” bigkas ni Lobramonte.

Hindi naman apektado si Salamat kahit ipinagpatuloy nito ang kanyang pag-aaral sa University of the East kung saan ay kumukuha siya ng kursong Dentistry.

Ipinahayag din ni Lobramonte na balak ni Salamat at ng kabuuang national women’s squad ang plano nilang mga salihang karera bilang paghahanda sa Asiad.

Unang sasabak ang mga Pinay rider sa PruRide sa Enero, sunod sa Asian Championships sa Myanmar, at ilang karera sa Thailand at China.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?