22

Jun 15, 2020 @ 14:00
By

Pinay sa Dubai namudmod ng pagkain sa mga kapwa-unemployed

“We’re poor, to be honest, but it’s not a reason for me not to help, you know?”

Wika ito ni Feby Dela Peña, 34, na tubong Laguna at unemployed sa Dubai, United Arab Emirates.

Kahit kasi wala siyang trabaho ay nagbibigay pa rin siya ng libreng pagkain para sa mga kapwa niya jobless migrant sa nasabing bansa. Naisip aniya niya kung paanong ang pamilya niya ang walang makain habang may pandemya.

Sinimulan niya ang proyektong “Ayuda” sa pagbili ng grocery na nagkakahalagang 500 dirhams (halos P7,000) para makaluto ng 2 meal para sa mga walang makain. Katuwang niya rito ang kanyang asawa at bayaw, at housemates na kapwa immigrant.

May mga expat na pumipila sa kanyang apartment habang may iba na hinahatiran mismo ni Feby ng pagkain sa bahay nila dahil walang pangbiyahe.

Sa ngayon, ‘di aniya bababa sa 200 jobless migrant ang natutulungan ng Ayuda araw-araw.

Noong una ay galing sa family allowance ang pinanggagastos niya ngunit kalaunan ay may mga nagbibigay ng donasyon sa kanyang proyekto, kabilang ang Emirati blogger na nagbigay ng 10,000 dirhams.

90% ng workforce sa United Arab Emirates ay mga migrante, kaya lubha silang naapektuhan ng economic shutdown dulot ng COVID-19 pandemic.

Hirap pa rin ang mga expat kahit may pangakong one-time cash assistance ang gobyernong Duterte at nationwide “10 million meals” initiative ang UAE government sa mahihirap doon.

Nito lang, binigyang-donasyon ng Emirates Loto si Dela Peña na makaluto ng 10,000 pang meal para sa mga walang trabahong immigrant sa Dubai.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?