95

Sep 16, 2019 @ 16:20
By

Pinay na lumaki sa abroad, na-inlab sa mga charity work sa Pinas

Isang Filipina beauty queen, na lumaki sa abroad, ang nakatagpo ng kapayapaan sa pamamagitan ng mga charity work sa bansang sinilangan ng kanyang mga magulang.

Ito ang unang beses na bumisita si Excelsa de Jesus sa bansa matapos makoronahang Miss Philippines America sa United States noong 2016.

Lumaki na may kumportableng buhay si De Jesus dahil kapwa nagtatrabaho sa medical field ang kanyang mga magulang.

Ani Excelsa, dumanas siya ng depression noon, kaya ngayon ay nagpupunta siya sa iba’t ibang lugar para magpalaganap ng inspirasyon sa iba na nakararanas din ng kanyang pinagdaanan.

Nang gampanan na niya ang tungkulin bilang Miss Philippines America, naantig ang kanyang puso dahil nagagawa na niyang matulungan ang maraming mahihirap.

At matapos na magwagi ring Miss Republic Philippines International sa Manila, ginamit niya itong pagkakataon para libutin ang bansa at mag-host ng mga outreach event.

Ayon sa 21-anyos na philanthropist, masarap umano sa pakiramdam niya na naibabahagi niya ang nag-uumapaw na blessings mayroon siya sa ibang nangangailangan.

Bago maging beauty queen, nagtrabaho si Excelsa bilang barista sa Manhattan para masuportahan ang kanyang sarili at matagumpay nga siyang nagkaroon ng degree sa performance arts.

Isa ring magaling na lounge singer si Excelsa at may talento sa pagpi-piano.

Sumasama rin siya sa mga kapwa niya singer sa mga fund-raising concert sa Amerika para magkaroon ng panggastos sa kanyang mga kawanggawa.

Kabilang sa mga outreach event ni Excelsa na sinaksihan ng kanyang mga magulang na sina Wilfredo at Ana Gene, ang Childhaus, na idea ng celebrity hairdresser na si Ricky Reyes, sa Malate, Manila; Reclamation Dumpsite sa Taguig City; Port Barton Elementary at High School sa San Vicente, Palawan; Barangay Rima at Estancia sa Iloilo; La Castellana, Negros Occidental; at ang Crossing Magallon Elementary School sa Bacolod City.

Dito namimigay sila ng mga pagkain at hygiene kits.

Samantala, may charity event si Excelsa kasama ang beteranong Filipino singer na si Jose Mari Chan sa Oktubre 12 sa Northern Boulevard, Woodside sa New York.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?