56

Mar 17, 2020 @ 18:51
By

Pinay kinulong sa opisina, 2 Malaysian arestado

Inaresto ng mga tauhan ng Makati City Police ang dalawang Malaysian national makaraang ikulong sa kanilang opisina ang kanilang empleyadang Pinay na tumangging pumirma sa dokumento na magtatanggal sa kaniya sa trabaho, Lunes ng gabi sa lungsod.

Sinampahan ng kasong grave coercion ang mga suspect na sina Jess Yeoh, Malaysian, 30, Public Relations Officer at Rey Chiew, Malaysian, 27, Administration Officer at kapwa nakatira sa Linear Tower 1 sa Malugay St. sa Barangay San Antonio.

Base sa salaysay ng biktimang si Julie Ann Legarde, 32-anyos, housekeeping personnel sa 22nd floor ng Techzone Building sa Malugay St., Makati City dakong alas-6:30 ng gabi nang kunin niya ang huling sahod sa pinapasukang kumpanya.

Ngunit pilit umano siyang pinapipirma ng dalawang among Malaysian sa mga dokumento na “Release, Waiver at Quit Claim” na tinanggihan niya.

Dito nagalit ang mga dayuhan at inutusan ang kanilang security guard na huwag siyang palalabasin sa kanilang opisina hanggang hindi pinipirmahan ang mga dokumento.

Dito tinawagan ni Legarde ang kaniyang mister sa cellphone at humingi ng saklolo.

Agad na humingi ng tulong ang kaniyang mister sa Makati City Police na agad na pinakilos ang mga tauhan sa Police Community Precinct 2 na rumesponde sa lugar at nagligtas sa biktima at naaresto ang dalawang suspect.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?