44
leila-de-lima
Nov 1, 2017 @ 11:27

Pinatay sa drug war, alalahanin ngayong Undas

Nanawagan si Senadora Leila de Lima sa publiko na isama sa pagdarasal ngayong Undas ang mga napatay sa giyera laban sa droga ng administrasyong Duterte.

Ayon sa senadora, naging kakaiba ngayon ang Undas dahil sa dami ng mga nakalibing na suspek sa pagbebenta at paggamit ng iligal na droga.

“Naiba na nga po ang paggunita natin ngayon ng Undas. Ngayon hindi na lang natin inaalala ang mga namatay kundi maging ang mga pinatay nating kapamilya at kababayan dahil sa madugong kampanya laban sa droga ng rehimeng Duterte,” sabi ng senadora.

Sa mga panayam, sinabi ng Malacañang at ng Philippine National Police na mas mapayapa at ligtas ngayon ang paligid dahil sa maigting na kampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot.

Mariin naman itong kinontra ni De Lima.

“Ito ba ang kapayapaan at katahimikan na gustong makamit ng rehimeng Duterte? Ang katahimikang resulta ng walang habas na karahasan at patayan kung saan unti-unting pinupuno ng gobyerno ang mga sementeryo?” kuwestiyon pa nito. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?