162

Oct 2, 2018 @ 20:47
By

Pinatay na La Union mayor wala sa narco list – PNP

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na wala sa narco list ang pinatay na mayor ng Sudipen, La Union Mayor Alexander Boquing.

Ayon kay Police Sr. Supt. Benigno Durana Jr., tagapagsalita ng PNP, bumuo na rin sila ng Special Investigation Task Group (SITG) para matutukan ang insidente.

Pare-parehong idineklarang dead-on-arrival sa iba’t ibang ospital sina Boquing, PO2 Rolando Juanbe at driver nilang si Boni Depdepen.

Nilinaw na si Juanbe ay hindi security detail ni Boquing kundi nakisabay lang sa sasakyan.

Sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde, ligtas na ang misis ni Boquing na si Vice Mayor Wendy Joy at dinagdagan na ang nagbabantay sa kanya sa Lorma Medical Center.

Ayon pa kay Albayalde, hindi pa nila kinakausap ang ginang at hahayaan muna nilang magluksa ito.

Sa ulat, sakay ang mga biktima ng Toyota Hi Lux pick up (AEZ 114) at binabagtas ang Bangar-Casro Provincial Road sa Bangar, La Union nang paulanan sila ng mga bala.

Sinundan sila ng mga salarin na armado ng mga M16 rifle sakay ng puting pick-up truck na walang plaka.

Nabatid na walang mga death threat sa mag asawang Boquing.

Idinagdag pa ni Durana na maaring imbestigahan National Investigation Task Group, na binuo para imbestigahan ang pagpatay sa mga lokal na opisyal, ang pag-ambush sa mga Boquing.

Si Boquing, na tumakbo noong 2016 election sa ilalim ng Liberal Party, ang pang-11 mayor na pinatay sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Unang napatay ngayon taon sina Buenavista, Bohol Mayor Ronald Lowell Tirol; Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili; General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote; Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alex Lubigan; Sapa Sapa, Tawi-Tawi Vice Mayor Al Rashid Mohammad Ali; at Ronda, Cebu, Mayor Mariano Blanco III.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?