55
dead
Oct 25, 2017 @ 16:10

Pinatay habang nakatambay

Dead on arrival sa pagamutan ang isang sidecar boy na pinagbabaril ng ‘di pa kilalang salarin habang nakaupo sa isang motorsiklo sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Rolando Austria, 24, at residente ng No. 1700 Canal dela Reyna St., sa Tondo habang inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng salarin na mabilis na tumakas matapos ang krimen.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Joel Nazareno, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong alas-7:20 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng isang gasolinahan at convenience store, na matatagpuan sa Juan Luna St., sa Tondo.

Nakaupo lamang umano ang biktima sa isang motorsiklo nang dumating ang salarin at kaagad itong pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan bago tumakas.

Isinugod naman ng mga saksi sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang biktima ngunit hindi na ito umabot nang buhay. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?