256
west-philippine-sea
Dec 10, 2018 @ 12:45
By

‘Pinas sabik na sa code of conduct para sa West PH Sea

Nais ng Pilipinas na matapos na ang mga negossasyon para sa Code of Conduct sa South China Sea na itinutulak ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) maging ng China.

Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana gusto niya na sa susunod na taon ay tapos na ang mga negosasyon bagamat aniya may iba pang bansa, hindi lang ang Pilipinas, ang sangkot sa mga usapan.

Pagdidiin nito na para na rin sa interes ng ASEAN, partikular na sa mga bansa na nag-aagawan ng teritoryo, kung mapa-plantsa na ang COC kasama ang China ng mas maaga sa tatlong taon na itinakda para matapos ang kasunduan.

Paliwanag pa ni Lorenzana, layon ng COC na maayos ang mga hindi pagkakasunduan ukol sa agawan ng teritoryo sa South China Sea.

Sinimulan itong pag-usapan noong 1996 at nagbunga na ito ng Declaration of Conduct noong 2002.

Ibinahagi nito, na ang China ang dahilan kaya’t naaantala ang negosasyon ngunit aniya umaasa sila na tutuparin ng China ang pangako na susunod sa anuman magiging laman ng COC.

Maganda rin na pagbabatayan na ang COC ng mga hakbang ng bawat bansa lalo nang simulan ng China ang militarisasyon sa lugar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?