145

Feb 28, 2020 @ 15:25
By

‘Pinas pinuri ng WHO sa aksyon vs coronavirus

Ikinagalak ng Malacañang ang pagpuri ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas dahil sa magandang sistemang ginagawa para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon sa WHO, ang Pilipinas ang modelo sa aspeto ng kahandaan at ipinatutupad na mga hakbang para hindi lumala ang sitwasyon, bukod pa sa walang naitalang local transmission ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakita ng WHO ang pagiging maagap at aktibo ang gobyerno para matiyak na hindi malagay sa peligro ang kalusugan at buhay ng mga Pilipino laban sa epekto ng COVID-19.

“Itong pahayag ng WHO ay dahil hanggang sa ngayon ay wala tayong local transmission,” ani Panelo.

Tinitiyak naman ng kalihim na patuloy ang ginagawang pagbabantay ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para matiyak na mananatiling ligtas ang publiko sa COVID-19.

Batay sa record ng Task Force, ang naitalang nasawi sa nabanggit na sakit noong unang pumutok ang coronavirus ay Chinese national na bumisita lamang sa bansa.

Nagpapatuloy ang mahigpit na monitoring ng DOH sa mga sumailalim sa quarantine na mga Pilipinong umuwi sa bansa mula sa Japan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?