8

Mar 4, 2021 @ 16:59
By

‘Pinas mag-aangkat ng galunggong kung kakapusin – Roque

Handa ang gobyerno na mag-angkat ng galunggong kung kukulangin ng supply sa bansa.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa harap ng ulat na umabot na sa P480 ang presyo ng galunggong kada kilo.

Sinabi ni Roque na nagawa na dati ng gobyerno ang pag-angkat ng galunggong para hindi tumaas ang presyo nito at gagawin ito ulit kung kinakailangan.

“Kung kinakailangan po, hindi po tayo mag-aatubili na mag-angkat din ng galunggong na ginawa na natin noong minsan para lang magkaroon ng sapat na supply at hindi masyadong tumaas ang presyo ng galunggong,” ani Roque.

Ikinatuwiran ng kalihim na taglamig pa ang panahon kaya kakaunti ang nahuhuli ng mga mangingisda.

Kapag aniya pumasok na ang tag-init ay aasahang marami na ang mga huling isda sa karagatan gaya ng galunggong.

“Kapag taglamig ay kakaunti po ang huli ng ating mga mangingisda. Pero inaasahan naman po natin na dadami na ang huli habang papasok na po ang tag-init,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?