15

May 18, 2021 @ 9:56
By

‘Pinas kailangang magpalakas, huwag na umasa sa kaalyado – Enrile

Pinayuhan ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang gobyerno na huwag umasa sa mga kaalyadong bansa kahit sila pa ang pinakamalakas na buong mundo.

Inihayag ito ni Enrile sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mainit na usapin sa West Philippine Sea.

Sa halip ay iminungkahi ni Enrile kay Pangulong Duterte na palakasin ang puwersa at manindigan, maging mahinahon at gawing balanse ang pagtrato sa usapin, at huwag tularan ang mainit na kaisipan ng kritiko .

“Dapat ang bansa natin sa inyong liderato ay gawin na malakas ang ating kakayahan na manindigan sa sarili, at hindi tayo maaaring umasa sa ating mga kaalyado kahit na sila pa ang pinakamalakas na puwersa sa ating planeta,” ani Enrile.

Marami rin aniyang problema ang mga kaalyado ng Pilipinas sa kanilang bansa at problemang panlabas kaya dapat palakasin ng gobyerno ang ekonomiya at pwersa militar.

“Maiintindihan siguro yan ng Tsina sapagkat yan din ang ginagawa nila para sa ganoon ay sila ay manatili na isang bansa na malaya,” dagdag ni Enrile.

Isa sa pinakamalapit na kaalyado ng Pilipinas ay ang Amerika na namagitan umano sa stand-off sa pagitan ng puwersa ng Pilipinas at China na naging dahilan para mawala sa bansa ang Scarborough Shoal.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?