16

Sep 8, 2020 @ 18:05

‘Pinas isa sa mga bansang mababa ang bagong COVID case

Ikinatuwa ng Malacañang ang report ng New York Times na isa ang Pilipinas sa mga bansang mababa ang naitalang bilang ng mga bagong COVID case sa nakalipas na linggo.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang report ng nabanggit na pahayagan ay patunay na epektibo ang mga ipinatupad na aksiyon at paghihigpit ng gobyerno para sa kaligtasan ng mga Pilipino laban sa COVID-19.

“We are pleased with the recent report of the New York Times, entitled ‘Coronavirus Map: Tracking the Global Outbreak’ which includes the Philippines as among countries where ‘new cases are lower and staying low’ over the past week,” ani Roque.

Pero sa kabila ng magandang development sa paglaban sa COVID-19, sinabi ng kalihim na hindi dapat maging kampante bagkus ay ituloy lamang ang ginagawang mga pag-iingat hanggang sa malampasan ang problema sa COVID crisis.

Nananatili pa rin ang banta aniya ng COVID-19 at hindi matatapos ang kalbaryo hangga’t walang natutuklasang bakuna laban sa virus.

Sinabi ni Roque na malaki ang pasasalamat ng gobyerno sa dedikasyon at sakripisyo ng lahat ng frontliners lalo na sa sektor ng medisina pati na rin sa suporta ng pribadong sektor at kooperasyon ng publiko sa pagsunod sa mga pag-iingat na ipinatutupad ng gobyerno.

Hinikayat ni Roque ang sambayanan na panatilihin ang pagsusuot ng face mask, face shield, pag-obserba sa social distancing at madalas na paghuhugas ng kamay o paggamit ng alcohol at hand sanitizer.

“Let us, however, not be lulled into complacency. The enemy that is COVID-19 is still in our midst, and unless a cure of vaccine has been made available, we must continue to remain vigilant and observe health protocols,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?