152

Jun 27, 2019 @ 20:25
By

‘Pinas, ika-4 sa mga bansang nagtitiwala sa mga charity, NGO

Ikaapat ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang nagtitiwala sa mga charity institution at mga non-government organization (NGO) na tumutulong sa panahon ng mga kalamidad at iba pang gawaing pangkawanggawa.

Sa report ng Gallup, isang global analytics at advice company, lumitaw na ikaapat ang Pilipinas kasama ang Uzbekistan sa listahan ng mga bansang naniniwala sa sinseridad ng mga pribadong organisasyon sa pagpapatupad ng kanilang misyon na makatulong sa kapwa.

Umaabot sa 70% ng mga Filipino respondent ang nagsabing may pananalig sila sa mga charitable institution at NGOs habang 25% naman ang hindi nagtitiwala sa mga ito.

Tiwala ang mas nakararaming Pinoy sa magandang hangarin ng mga pribadong samahan na makatulong sa panahon ng kalamidad tulad ng bagyo, lindol, landslide o malawakang pagbaha sa mga lehitimong benepisyaryo.

Samantala, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na dapat munang makakuha ng clearance mula sa DFA ang mga foreign NGO bago sila makapagpadala ng tulong para sa Pilipinas.

Maaaari aniyang maapektuhan ang rehistrasyon ng mga foreign organization sa Securities and Exchange Commission kapag nabigo silang gawin ito.

Ayon sa kalihim, ipinatupad nila ang bagong patakaran matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan sa mga dayuhang NGO ang tumutulong sa mga rebelde at terrorist group sa bansa para palakasin ang kanilang opensiba laban sa gobyerno.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?