21

Jul 21, 2021 @ 15:21
By

‘Pinas hindi kakayanin pagsirit ng Delta variant – mga health worker

Nagbabala ang isang grupo ng mga health worker na hindi kakayanin ng Pilipinas kapag sumirit ang Delta coronavirus variant katulad ng nangyayari ngayon sa Indonesia.

Ayon kay Alliance of Health Workers National President Robert Mendoza, bunsod ito ng kakulangan ng mga health worker at kapasidad ng mga ospital sa bansa lalo na sa mga probinsya.

“Hindi kakayanin ng ating gobyerno kung magkaroon tayo ng kagaya ng Indonesia na surge,” pahayag ni Mendoza sa panayam sa CNN Philippines.

“Kulang na kulang talaga po kasi marami nang mga health worker na umalis, marami nang nag-early retirement dahil natatakot mahawaan ‘yung kanilang pamilya ng virus. Kahit sa mga ventilator, kukulangin din, ‘yung mga ICU natin, kasama na ‘yung mga private,” patuloy niya.

July 16 unang naitala ang local case ng Delta variant sa Pilipinas pero ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., handa ang gobyerno para rito.

Dinagdagan na aniya ng pondo ang mga ospital, tinaasan ang bed capacity at binilhan ng mga COVID-19 treatment supply, at maging ang mga isolation facility ay unti-unti na rin daw tinaasan upang mas maraming matanggap na pasyente sakaling magkaroon ng pagsirit ng Delta variant case sa bansa.

Sa ngayon ay 35 kaso na ng Delta variant ang naitala sa Pilipinas, kabilang ang tatlong namatay at walong aktibong kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?