444

Apr 19, 2020 @ 23:16
By

Pinangtakot ang baril! Kano, mga residente ng Pacific Plaza Towers, irereklamo ang PNP

Maghahain ng reklamo ang ilang residente ng Pacific Plaza Towers (PPT) matapos pasukin ang kanilang condo ng mga pulis na nagsisigaw at nagwagayway pa umano ng baril.

Sa panayam sa Inquirer, ayon kay Joseph Castillo, isang Amerikano na nakatira sa PPT, bandang alas-5 ng hapon nitong Linggo niya nakita ang mga pulis na napagkamalan niyang militar dahil nakasuot ang mga ito ng camo uniform.

Tingin niya’y hindi na napigilan ng staff ng PPT ang mga pulis dahil sa mga dala nitong firearm kung saan nagtungo ang mga ito sa pool.

Sa nasabing pool ay mayroong nasa 10 residente ng condo, kung saan ilan dito ay bata pa.

Paliwanag ni Castillo, hindi niya maintindihan kung bakit sila sinita sa isang private condominium ng mga pulis gayong pinayagan naman sila ng management ng condo na maglakad-lakad basta’t sila’y naka-face mask.

Nasusunod din naman umano ang social distancing sa mga common area tulad ng pool at garden area dahil maluwag dito.

Karamihan sa PPT ay mga diplomat mula sa iba’t ibang bansa ang nakatira, may unit din umanong pagmamay-ari si Taguig City Mayor Lino Cayetano sa condo.

Paliwanag naman ni PNP spokesperson Brig. General Banac, base sa polisiya ay hindi makapapasok ang mga pulis sa isang private property kung hindi iimbitahan ng may-ari o administrator.

Kanila umanong papaimbestigahan ang insidente sa National Capital Region Police Office.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?