381

Dec 15, 2017 @ 14:20
By

Pinalawak na tulay sa Rizal, bukas na sa publiko

Inanunsiyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na bukas na sa mga motorista ang pinalapad na Barkadahan Bridge sa Taytay, Rizal.

Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, libu-libong motorista na gumagamit ng Laguna Lake Highway (dating C-6 Road) ang makikinabang sa 245-lineal meter bridge, na isang alternatibong daan sa siksikang EDSA at C-5 Road.

Partikular na madadaanan sa pagbibiyahe ang mga motoristang patungo sa lalawigan ng Rizal, Marikina, Quezon City at sa western part ng Metro Manila kasama na rito ang South Luzon Expressway (SLEX) at Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City.

Sinabi ni Villar na ang karagdagang isang lane sa silangan at kanlurang direksiyon ay magagamit ng mga motorista na patungong Taytay, Rizal at SLEX sa pamamagitan ng Bicutan.

Mas maikli na rin aniya ang travel time mula Barkadahan Bridge patungong Bicutan SLEX.

Ginastusan ng kabuuang P114.35 milyon ang pagpapalawak sa Barkadahan Bridge. (Rick Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?