60
risa-hontiveros-kolumn
By

Pinalakas na HIV Policy Act, Pasado Na Sa Senado

Nitong nakaraang lunes lamang ay napagtagumpayan nating maipasa sa Senado ang aking panukalang batas na Senate Bill 1390 o ang “HIV and AIDS Policy Act” na naglalayong pagtibayin ang pagtugon ng gobyerno laban sa paglaganap ng human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS) sa bansa.

Katuwang si Senator JV Ejercito, Chair ng Senate Committee on Health, at dala ang buong suporta ng Senado, ay nailusot natin ang panukalang ito na magbibigay ng tinatawag na “multi-sectoral approach” sa pagresponde sa epidemiya ng HIV sa bansa.

Ang nakakatuwa dito ay naipasa na rin ng House of Representatives ang kanilang bersyon ng panukalang ito. Ang susunod na hakbang na lamang naming mga mambabatas ay ang pagtawag ng bicameral conference committee upang mapinal ang pinagsamang bersyon para sa ratipikasyon nito at maipadala sa Presidente upang pirmahan at gawing ganap na batas.

Kinokonsidera kong isang malaking tagumpay ang pagpasa nito sa Senado upang mapahupa natin ang pagtaas ng kaso ng HIV-AIDS sa bansa. Kapag naging ganap na batas na ito, magkakaroon ang pamahalaan ng mas matibay at mas modernong polisiya upang maayos na matugunan ang problemang ito ng Pilipinas.

Ang panukalang ito ay bunga rin ng pakikipag-ugnayan at konsultasyon ng aking opisina at ng Akbayan Party sa mga health advocates sa buong bansa. Ayon sa datos ng United Nations, ang Pilipinas ay nagtala ng pinakamataas na HIV infection rate sa buong Asia Pacific Region. Kailangan ng matuldukan ang trend na ito sa lalong madaling panahon.

Ang mga kabataan ang lubos na makikinabang kapag tuluyang naging batas ang ating pinasang panukala sa Senado. Isa sa nakapaloob sa panukala ay ang pagkakaroon ng pag-aaral tungkol sa HIV sa mga paaralan at sa trabaho.

Kailangan nating pagtibayin ang pagpapakalat ng tamang pag-aaral tungkol sa HIV sapagkat marami sa mga kabataan natin edad 15 hanggang 30 ang nag-positibo sa HIV. Ang malaking bahagi ng pagsugpo sa sakit na ito ay ang pagbibigay ng tama at makabagong impormasyon sa ating mga kabataan. Sabi nga sa wikang Ingles, “an ounce of prevention is worth a pound of cure.” Kailangang maging maagap tayo upang makaiwas sa HIV ang ating mga kabataan.

Nais ko ring pasalamatan ang aking mga kapwa-Senador sa pagpasa sa batas na ito. Pinapakita nito ang commitment ng Senado sa pagsugpo ng HIV bilang isa sa malaking problemang pangkalusugan na kinakaharap ng ating bansa.

Gusto ko ring pasalamatan ang mga advocates na walang sawang sumusuporta sa pagpasa ng batas na ito tulad ng: Action for Health Initiative (ACHIEVE), The Library Foundation TLF-Share, HIV AIDS Support House, NoBox Philippines, PAMACQ, Candon Youth Movement, Philippine Sex Workers Collective, KAKAMMPI, GAYON, 8HAVEN, Viva Vivo Zamboanga, ALAGAD-Mindanao, RedX, APWAI, HACG, UWVI, CrossBreeds, Juan Positive Movement, TAHAS, MAAAI, SHIP, The Red Whistle, NORMAAA, CPAI, B-Change, The Love Yourself at Positibong Pasigueno.

Nais ko ring pasalamatan ang suporta ng UNAIDS, Department of Health, Philippine National Aids Council, ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Foundation, ang Senate Committee on Health, and at kapwa ko may akda ng batas na ito mula sa dalawang Kapulungan ng Kongreso.

Patuloy nating ipaglalaban ang HIV Policy Act hanggang sa maging ganap na itong batas. Ang laban na ito ay para sa ating mga kababayang may HIV. Sila ay may karapatan na mabuhay ng maayos at may dignidad. Ipaglaban natin sila.

####

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, magpadala lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?