46

By

Pinadaling proseso ng ‘padala’ ng OFWs, hinikayat sa mga bangko

Sharing is caring!

Hinikayat ng isang kongresista ang mga bangko na padaliin ang proseso ng pagbabangko at remittance sa Pilipinas sa harap ng inaasahang pagdagsa ng padala ng mga OFW ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ito’y para hindi na masyadong maabala ang mga kaanak na naghihintay ng padala dito sa Pilipinas.

Ayon kay Leyte Rep. Henry Ong, vice chairman ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries, dapat na magbukas ng mga bagong service facilities, pahabain ang banking hours, paghusayin ang online services at makipag-tie up sa mga money transfer agency ang banking at remittance sector sa bansa.

Iminungkahi ito ni Ong kasunod ng ulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumaba noong buwan ng Setyembre ng mahigit walong porsiyento ang cash remittance galing sa mga land-based overseas Pinoy dahil sa desisyon ng ilang bangko sa abroad na tutukan ang kani-kanilang home market.

Partikular na nanawagan ang kongresista sa Land Bank of the Philippines na opisyal na depository bank ng gobyerno na manguna sa inisyatibong padaliin ang proseso ng remittance papasok sa Pilipinas lalo sa mga overseas pinoy sa Saudi Arabia, Kuwait, Qatar at Australia.

Sa ulat ng BSP, pumalo lamang sa $2.2 bilyon ang cash remittances ng mga land-based overseas Filipinos nitong Setyembre kumpara sa $2.8 bilyon noong Agosto 2017.

Ang $360 milyon umano na ibinaba ng remittances o katumbas ng P18 bilyon ay malaking halagang hindi natanggap ng mga pamilya dito sa Pilipinas na maaari sanang nakatugon sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?