17

Sep 9, 2021 @ 12:47
By

Pinababang presyo ng COVID-19 test dapat sundin – Win

Habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa, nanawagan si Senador Win Gatchalian sa Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) sa pagkakaroon ng mekanismo upang masiguro ang pagtupad ng mga testing laboratories sa pinababang presyo ng real-time reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) o swab tests.

“Napapanahon itong ganitong hakbang lalo na’t patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nahahawa ng COVID-19 dahil sa mas matinding Delta variant at kadalasan ay pami-pamilya na ang nagkakasakit,” sabi ni Gatchalian.

“Kung naiimplementa nang tama at masigurong mas mababa ang presyo ng swab test, mas mahihikayat ang marami nating kababayan, bagay na makakatulong nang malaki sa COVID-19 response ng gobyerno,” dagdag pa nito.

Ayon pa kay Gatchalian, dapat higpitan ang pag-monitor sa ipinatutupad na bagong price cap upang maging abot kaya ito sa mas nakararaming Pilipino na gipit sa pang-araw-araw na gastusin magmula nang magkaroon ng pandemya dulot ng COVID-19, lalo na sa mga hanay ng nawalan ng trabaho o nabawasan ng kita.

Mula sa dating P4,500 hanggang P5,000 na price cap sa mga pribadong laboratory, ang tamang singil batay sa bagong kautusan ay dapat nasa P2,940 hanggang P3,360 na lamang.

Para sa mga pampublikong testing center, ang dating P3,800 kada swab test ay nasa P2,450 hanggang P2,800 na lamang. Samantala, ang price cap para sa home service testing ay P1,000, bukod pa diyan ang mismong bayad sa swab test.

Ibinaba ng DOH noong Agosto 26 ang Circular No. 2021-0374 para sa mga bagong price cap na sinimulang ipatupad noong Lunes, Setyembre 6, 2021. Huling nagpatupad ng price cap ang gobyerno noong Nobyembre 25, 2020.

Sinabi ni Gatchalian na marapat lamang na magsagawa ang DOH at DTI ng regular o kahit na random check sa pagtupad sa singil sa laboratory tests para sa COVID-19 ng mga lisensyadong laboratoryo at ang pagpapataw ng kaukulang parusa at multa sa mga lalabag sa nasabing kautusan.

Batay sa kautusan ng DOH, ang hindi pagtupad sa price cap ay maaaring magdulot ng suspensyon ng lisensya ng laboratoryong lumabag na aabot sa 15 araw sa unang beses ng paglabag, 30 araw sa ikalawang beses ng paglabag, at pagbawi ng lisensya sa ikatlong beses ng paglabag.

Papatawan din ng P20,000 na multa sa unang beses ng paglabag at P30,000 naman sa ikalawang beses ang mga hindi sumusunod na mga laboratoryo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?