2

Jan 10, 2022 @ 15:27
By

Pinababang buwis ng mga pribadong paaralan malaking ginhawa – Gatchalian

Malaki ang maitutulong ng paglagda sa batas na magpapataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan sa gitna ng matinding pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ginawa ng senador pahayag matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11635 na magbibigay ng tax relief sa mga pribadong paaralan sa gitna ng pandemya.

Sa ilalim ng bagong batas, muling inamyendahan ang Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code of 1997 upang pababain ang preferential tax rate sa mga pribadong paaralan o proprietary educational institutions.

Ang dating sampung porsyentong buwis ay magiging isang porsyento na lamang sa loob ng tatlong taon.

Bagama’t nakasaad sa batas na nananatiling sampung porsyento ang buwis sa taxable income ng mga pribadong paaralan, ang isang porsyentong buwis ay nakatakdang ipataw mula Hulyo 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2023.

Sa ilalim ng naturang batas, ang mga proprietary educational institutions ay mga pribadong paaralan na pinatatakbo ng mga pribadong indibidwal o grupo.

Kinakailangang meron ding permit to operate ang naturang mga paaralan mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ayon kay Gatchalian, nililinaw at binibigyang-diin ng bagong batas ang intensyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na magpataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan.

Matatandaang inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation No. 5 kung saan nakasaad na ang mga paaralang proprietary at non-profit lamang ang maaaring mapatawan ng mas mababang buwis.

Para sa mga paaralang hindi pasok sa ganitong depinisyon, kinakailangan nilang magbayad ng dalawampu’t limang porsyentong buwis o katumbas ng isang daan at limampung porsyentong pagtaas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?